ni Bert de Guzman
SA ayaw at sa gusto ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD), nakatakda siyang bumaba sa trono ng Malacanang sa 2022. Samakatwid, kailangang magkaroon ng papalit sa kanya na kaalyado o kaibigan. Siyempre kailangan niya ang proteksiyong masasandalan pag-alis sa Palasyo.
Bagamat malayo pa ang 2022 elections, may mga grupo na humihimok kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, anak ng pangulo, na tumakbo sa panguluhan sa 2022.
Sinabi ni PRRD noong Pebrero 28, hindi naghahangad si Duterte-Carpio na kumandidato sapagkat nais niyang ituon ang buong pansin at panahon sa kanyang pamilya. Kaisa niya si Inday Sara sa paniniwalang ang isang tao ay magiging pangulo lamang kung talagang ito ang gusto ng Diyos.
Ayon kay Mano Digong, talagang ayaw ni Sara na tumakbo bagamat maraming grupo at indibiduwal ang humihikayat sa kanya, pero ayaw niya sapagkat siya ay may tatlong anak. “Maliliit pa sila. Nais niyang mag-focus sa pamilya.”
Sinabi ni PRRD na kapag kumandidato si Sara sa 2022 at nanalo, ang kanyang mga opsiyon ay limitado kapag tapos na ang kanyang termino. “Ang panguluhan ay regalo ng Diyos, Ayaw pa niya ito ngayon, pero kung pagkatapos daw ng anim na taon ay bata pa siya at kaya niya, ano ang kanyang magagawa (kundi ang tumakbo).”
Ipinaliwanag ni Pres. Rody na kapag si Sara ay dati nang presidente, hindi na siya makapagtatrabaho pa. Hindi na siya makadadalo sa korte dahil siya ay naging pangulo na. Aniya, ang suweldo ng isang pangulo ay hindi naman malaki. “Kung wala kang ambisyon, manatili ka na lang sa trabaho mo,” payo ni PRRD kay Sara.
Gayunman, naniniwala ang maraming Pilipino na kailangan ni PRRD na ang maging Pangulo sa 2022 ay kanyang kaibigan, kaalyado o protege. Kailangan niya ang proteksiyon sapagkat tiyak na sandamukal na kaso at pag-uusig ang kanyang kakaharapin pagbaba sa puwesto.
Libu-libong tao ang napatay ng mga pulis kaugnay ng kanyang drug war. Marami ang nagsasabing karamihan sa pinatay ay hindi naman drug users, pushers, pero binaril din daw at pinatay ng mga pulis kahit hindi nanlaban at wala namang baril.
Bukod dito, marami siyang naging kaaway sa pulitika at iba pang sektor ng lipunan sa bansa, kabilang ang mga bilyunaryong negosyante at may-ari ng media, kung kaya malamang ay gumanti ang mga ito pag wala na siya sa puwesto. May mga pinakulong siya dahil ang mga ito ay kaaway sa pulitika at nabilanggo dahil sa umano’y gawa-gawang kaso.
May nagsasabing bukod kay Sara, ang isa sa bini-build up ni PRRD ay si Sen. Bong Go na sagad-sagad ang pananampalataya at pagtalima sa kanya. Napapansin ng mga Pinoy na very visible si Sen. Go sa lahat ng okasyon, tumutulong sa mga biktima ng bagyo, baha, sunog at iba pang krisis at kalamidad.
Ayon sa kanila, preparasyon daw ito sa posibleng pagtakbo ni Go sa 2022 alinsunod sa kumpas ng Pangulo. ‘Di ba nitong 2019 senatorial elections, nanalo sina Go, Bato dela Rosa at Francis Tolentino na talagang itinaguyod ni Mano Digong para manalo?
Tinalo pa nga nila ang higit na kilalang sina ex-Sen. Mar Roxas, ex-Sen. Bam Aquino at iba pang
kandidato ng Liberal Party (LP), na kataka-taka raw na pinulot sa basurahan ng pagkatalo gayong higit silang kilala kina Go, Bato at Tolentino. May magic daw bang nangyari noong 2019 elections?