Ni MARY ANN SANTIAGO

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na mayroon silang anim na kaso ng B.1.351 variant o South African variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na nadiskubre sa Pilipinas, at 30 karagdagang kaso ng B.1.1.7 variant o UK COVID-19 variant, at dalawang kaso ng ‘mutations of interest.’

Batay sa ulat ng DOH, UP-Philippine Genome Center (UP-PGC), at ng UP-National Institutes of Health, ang mga naturang kaso ay nadiskubre nila sa ikawalong batch ng 350 samples na isinailalim sa genome sequencing ng UP-PGC.

Sa naturang anim na tatlong South African variant cases, tatlo ang lokal, dalawa ang returning overseas Filipinos (ROFs) habang hindi pa nabeberipika ang lokasyon ng isa pa.

Eleksyon

Luis Manzano natalo, pero 'panalo' pa rin daw dahil sa mga Batangueño

Nabatid na tatlo sa mga pasyente ay mga residente ng Pasay City.

Dalawa sa mga ito, na kinabibilangan ng isang 61-anyos na babae at isang 39-anyos na lalaki, ang nananatiling aktibong kaso ng sakit, habang ang isa, na 40-anyos na lalaki ay ang gumaling na.

Ang samples ng mga pasyente ay nakolekta sa pagitan ng Enero 27 at Pebrero 13. Kumuha ang DOH ng mas maraming samples mula sa mga pasyente sa Pasay City para isailalim sa genome sequencing noong nakaraang linggo matapos makakita ang mga lokal na awtoridad nang pagsikad ng COVID-19 transmission sa mga tahanan.

Ang dalawang South African variant cases, na kapwa ROFs, ay umuwi ng bansa mula sa United Arab Emirates (UAE) at Qatar. Ang kanilang kalagayan ay biniberipika na ngayon ng DOH.

Iniulat rin ng DOH na dahil sa 30 bagong naitalang UK variant cases, umaabot na ngayon ang total infections nito sa 87.

Kabilang sa mga bagong kaso ay 20 ROFs, tatlong lokal at pitong kaso na under verification pa. Anang DOH, ang 20 ROFs ay umuwi ng Pilipinas mula sa Middle East, Singapore, at United States sa pagitan ng Enero 20 at Pebrero 16. Ang 13 sa kanila ay pawang asymptomatic at active habang ang pito ay gumaling na

Ang tatlong lokal UK variant cases naman ay mula sa Cordillera, isa ang kasalukuyang naka-admit sa pagamutan, isa ang gumaling at isa ang namatay.

Sa kabilang dako, dalawa pang sample sa Central Visayas ang natuklasang mayroong N501Y at E484K, na mga coronavirus mutations of concern.

“The DOH also reports that upon further verification, two cases from Region 7 previously reported to have these mutations have been delisted, thus the total remains at 34 cases,” anang DOH.