MATINDING paghahanda ang ilalatag ng Philippine Karate-do Team sa pagsabak sa two-month training sa Istanbul, Turkey bilang paghahanda sa lalahukang Olympic qualifying sa Hunyo.

Kabilang sa koponan sina SEA Games gold medalist Jamie Lim, Sharif Afif, Alwyn Batican at Ivan Agustin, gayundin sina US-based Joane Orbon at Japan-based Junna Tsukii.

Kasalukuyang nasa bubble training ang grupo sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.

Matapos ang training camp sa Istanbul, babalik ang national karatekas sa bansa bago muling umalis sa Hunyo 1 patungong Paris, France para sumabak sa pinakahuling qualifying tournament ng 2021 Olympics sa Tokyo, Japan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakatakda ang quadrennial event sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.

Ang 29-anyos na si Tsukii, ang 2019 SEA Games gold medal winner, ang nag-iisang entry ng national karatedo team sa Premier League tournament sa Marso 11 sa Istanbul.

Hangad ni Tsukii na makapasok sa top four sa Olympic ranking system para makakuha ng Olympic slot. Nakapuwesto si Tsukii sa No. 10 sa World Karate Federation rankings katabla si Bakhriniso Babaeva ng Uzbekistan sa magkapareho nilang 3,712.50 points.

Nasa top four sina Serap Ozcelik Arapoglu ng Turkey (11,542.50 points), Miho Miyahara ng Japan (6,300), Bettina Plank ng Austria (5,377.50) at Sara Bahmanyar ng Iran (5,272.50). Annie Abad