ni Dave M. Veridiano, E.E.
SA isang malaking krimen, kagaya nang naganap na shootout sa Commonwealth Avenue nito lamang nakaraang Huwebes, may isang napaka-importanteng opisyal sa hudikatura na kinakailangang naroon, bago pa man pakialaman ng mga imbestigador at iba pang pulis na nagsi-secure sa crime scene ang mga ebidensiya rito. Siya ay ang tinatawag na “Inquest Fiscal” na 7/24 naka-duty, at on-call palagi kahit saang lugar man nakapirmi, kapag may malaking krimen sa loob ng kanyang Area of Responsibility (AOR).
Nakapagtataka kasi na wala pa lang dumating na “Inquest Fiscal” sa nangyaring pagbabarilan ng dalawang ahensiya ng pamahalaan – ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Quezon City Police District (QCPD) na kapwa mainit sa pagpapatupad sa tinaguriang “war on drugs” ng administrasyong ito.
Sa totoo lang, nawala ito sa isipan ko -- palagi ko itong nakikita sa mga krimen na-cover ko noon kainitan ng pagiging police reporter ko – at bigla ko lamang itong naalala nang banggitin ni Atty Virgilio Pablico sa online news forum na Balitaan sa Maynila noong Linggo, ang kahalagahan ng “Inquest Fiscal” sa pagpi-preserve ng mga ebidensiya sa isang crime scene.
Sa mga hindi pamilyar sa pangalang Atty Pablico – siya ay isa sa mga LODI kong operatiba at imbestigador ng dating Criminal Investigation Service (CIS), bago pa man siya naging isang abugado at naging Chief Legal naman ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Beterano siya sa pag-iimbestiga ng malalaking krimen noong mga nakaraang dekada, na gaya nang shootout sa Commonwealth Avenue kung saan tatlong operatiba mula sa PDEA at QCPD ang namatay.
Marami siyang ipinunto rito gaya ng coordination, buy-bust at sell-bust operation at iba pang anggulo sa imbestigasyon na hindi ko na tatalakayin dito, bilang pagbibigay daan sa pag-iimbestigang isinasagawa ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI), na itinalaga ng Pangulong Rodrigo R. Duterte upang alamin ang punu’t dulo nang pagbabarilin ng PDEA at QCPD. Ipinatigil ng Pangulo sa pamunuan ng PNP at PDEA ang sarili nilang imbestigasyon at ipaubaya na lang ito sa NBI. Nanawagan din siya sa Senado at Kamara na ipagpaliban ang itinakdang pagsisiyasat ngayong linggo, at pinakinggan naman nila ang hiling ng Pangulo.
Pero ang gusto kong ibahagi sa inyo ay ang ipinunto ni Atty Pablico hinggil sa kahalagahan ng “Inquest Fiscal” sa scene of the crime, na sa palagay ko nga ay nababalewala na sa mga malalaking krimen na nagaganap sa ngayon – lalo pa’t may kaugnayan sa pakikibaka ng admnistrasyong ito sa ilegal na droga.
Pagkaraan ng aming news forum ay agad akong nakatanggap sa cellphone ng mga larawan ng handbook ng “Revised PNP Police Operational Procedures” at ilang pahina nito na patungkol sa mga dapat gawin ng operatiba at opisyal na pulis na rumesponde sa isang malaking krimen.
Sa pahina 43 sa linyang 15.4 na may titulong - Inquest proceeding Necessary When the Suspect Dies -- ay ganito ang sinasabi: “Cases of armed confrontation wherein the suspect dies, the Team Leader of the operating unit shall submit the incident for inquest before the duty Inquest Prosecutor prior to the removal of the body from the scene, except in areas where there are no Inquest Prosecutors. In which case, the territorial police unit can proceed with the investigation.”
Naaala ko na ito, madalas nga sa mga coverage ko noon ay sumasama pa ako sa pagsundo sa “Inquest Fiscal” – nakikiangkas ang mga imbestigador sa service vehicle ko -- sa bahay nito, lalo na kung weekend o gabi na at sarado ang opisina nito na kadalasan ay sa kanilang City Hall.
Malalim ang laman nang ipinupuntong ito ni Atty Pablico – lilitaw rito kung sino sa dalawang grupo ang siyang nagpasimuno sa pagbabarilin na kumitil sa buhay ng ilang operatiba ng dalawang ahensiya.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa:[email protected]