NAKABAWI ang Cavite Spartans nang pabagsakin ang Iriga City Oragons , 18-3,nitong Sabado para lalung mapalakas ang tsansa sa top 8 ng All Filipino Conference Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) sa online tournament sa lichess platform.
Nagtala ng magkakahiwalay na panalo sina Melizah Ruth Carreon, International Master Petronio Roca, Jayson Visca at Israel Landicho para pangunahan ang Cavite Spartans sa paghatid sa 12-11 win-loss record at manatili sa overall 6th place sa Northern Division.
Tinalo ni Carreon si Johnlyn Buenaventura sa Board 3 sa kanilang blitz at showdown, maging si Roca kontra kay Joel Buenaventura sa Board 4, Visca kontra kay Joseph Mendoza sa Board 6 at Landicho kontra kay Coelleir Graspela sa board 7.
Napalaban naman ng husto si Ederwin Estavillo kontra kay National Master Glennen Artuz na nauwi sa draw sa Board 1, habang natalo naman si Arena Grandmaster Marlon Bernardino kontra kay Joeven Polsotin sa blitz subalit nagwagi naman sa rapid play sa Board 2 at tabla naman si Lourecel Hernandez Ecot kontra kay Epifanio Bueno sa blitz at panalo naman sa kanilang rapid encounter sa Board 5.
Ang Cavite Spartans na suportado nina Philippine Economic Zone Authority (PEZA) Deputy Director General Tereso O. Panga, Rep. Jon-Jon Ferrer at Mayor Ony Ferrer ng General Trias City, Cavite, JC Marikina Business Center at Mam Elvira Roca ng Skin Magical District 4/CARSIGMA ay naaktutok sa panibagong magandang performance Miyerkoles ng gabi (Marso 3, 2021) sa pakikipagtapat sa Manila Indios Bravos at Quezon City Simba's Tribe.