Agence France-Presse

HINIKAYAT ng World Health Organization nitong Biyernes ang United Nations Security Council na suportahan ang panawagan nito para sa pagpapataas ng suplay ng bakuna para sa mahihirap na bansa kasama ng konkretong aksiyon upang masiguro na mapabilis ang produksyon.

Nagkaisa ang Security Council na aprubahan ang isang resolusyon na nananawagan para sa pagpapabuti ng access sa COVID-19 vaccines sa mga conflict-hit o impoverished na mga bansa. Gayunman, sinabi ni Tedros Adhanom Ghebreyesus, pinuno ng World Health Organization, na bagamat maganda at mabuti ang kanilang paboto, kailangan nilang tugunan ang “elephant in the room” na humaharang sa pagkakaroon ng doses para sa mahihirap na bansa.

“I hope we will take the right choices and in addition to the voting, we take concrete action,” pahayag ni Tedros sa isang press conference sa Geneva.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nanawagan din siya sa mga bansa sa magkasundo na talikuran muna ang intellectual property (IP) rights sa bakuna upang mas marami ang makapagmanupaktura ng doses.

Ang ideyang ito ang mahigpit na tinututulan ng maraming mayayamang bansa at ng pharmaceutical industry.

“I’m glad the UN Security Council has voted in favour of vaccine equity,” ani Tedros.

“At the same time, if we’re going to take practical solutions, then waiver of IP should be taken seriously. And the UN Security Council can do it — if there is political will.”

Aniya, epektibong matutugunan ang problema sa pagbabahagi ng bakuna kung mapatataas ang produksyon, ngunit upang maisakatuparan ito, kailangan munang tanggalin ang mga balakid.

Inirekomenda ni Tedros ang technology transfers, voluntary licensing para sa outsourced production, at pansamantalang pag-alis ng IP rights bilang mga posibleng solusyon.

Gayunman, nang ihayag ang nosyon ng IP waivers, “We see lack of cooperation and even serious resistance. To be honest, I can’t understand this, because this pandemic is unprecedented. The virus has taken the whole world hostage.

“But there are people who don’t even want to discuss this issue.

“If we cannot apply provisions for a difficult time like now, during unprecedented conditions, then when?

“This is serious.”

APEKTADO ANG COVAX

Nakatakdang talakayin ng World Trade Organization ang ideya ng pansamantalang pag-alis ng IP rights sa general council meeting nito sa Lunes at Martes.

Isinulong ang plano noong Oktubre ng India at South Africa.

Suportado naman ito ng mga bansa kabilang ang Argentina, Bangladesh, Egypt, Indonesia, Kenya, Nigeria, Pakistan at Venezuela. Bagamat ang United States, European Union at mayayamang bansa kabilang ang Australia, Britain, Japan at Singapore ay kontra sa plano.

Habang patuloy na nangunguna ang mayayamang bansa sa vaccination, maraming mahihirap na bansa ang patuloy na naghihintay ng kanilang unang doses, na binayaran ng mga international donors sa pamamagitan ng Covax facility.

Nitong Biyernes, sinamahan ng Ivory Coast ang Ghana bilang tanging bansa sa labas ng India —kung saan ginagawa ang doses—na nakatanggap ng unang batch ng bakuna sa pamamagitan ng Covax.

Ani Tedros, hindi maisasagawa ang pagpapataas ng produksyon at distribusyon ng bakuna sa pamamagitan ng Covax kung may ilang bansa na patuloy na lalapit sa mga manufacturers na nagpo-produce na inaasahan ng programa.

“These actions undermine Covax and deprive health workers and vulnerable people around the world of life-saving vaccines,” aniya.

Ayon kay Bruce Aylward, WHO’s access to COVID tools hub lead, bagamat tumatalab na ang mensahe, may ilang bansa na patuloy na sumusubok makakuha ng extra vaccine doses sa paraan na nakaaapekto sa Covax.

“Some countries are still pursuing deals that will compromise the Covax supply, without a doubt,” aniya.

“Some of the major suppliers to Covax, like the Serum Institute of India, are being approached by multiple countries.

“Any other demands on it do put a strain potentially on the supply.”