ni Ric Valmonte
Naglagay ng sovereign markers ang militar malapit sa isla ng Fuga sa Aparri, Cagayan. Ang mga ito ay inilagay sa mga prominenteng bahagi ng mga isla sa Mabaag at Barit mula Feb. 18 hanggang Feb 19. Ang mga isla ay tinatayang may lawak na 7.3 square kilometers o 2.8 square miles, 70 kilometro ang layo sa hilaga ng Aparri at malapit sa Fuga. “Ang mga markers ay nagpahiwatig ng paninindigan na ang mga lugar na ito ay maritime territories ng bansa at nakikita ng mga barkong magdadaan sa karagatang nasa hilaga nito,” wika ni Lt. Gen. Arnulfo Burgos, Jr., military commander ng Northern Luzon Command. Pangangalagaan din ng mga ito ang mga pangunahing pinagkukunan ng ikabubuhay dahil mayaman sa laman ng dagat at ruta ng kalakalan. Ayon naman sa pinuno ng Naval Forces Northern Luzon na si Commodore Caesar Valencia, ang mga bagong lagay na marker ay makatutulong sa gobyerno para matiyak na ang soberania ng Pilipinas ay kikilalanin sa mga lugar na ito. Mabaag at Barit at ang karagatang nasa paligid nito ay bahagi ng teritoryo ng bansa, aniya.
Naiulat nang nakaraang taon na ang mga mamumuhunang Tsinoy ay nagbabalak na kunin ang 10,000 ektarya ng isla na nasa pinakahilaga ng grupo ng mga isla ng Pilipinas. Magandang hakbang ang ginawang ito ng militar na lagyan ng marka ang pagaari ng bansa sa kalawakan ng South China Sea. Anumang paghihimasok o paglabag sa teritoryo ng bansa ay maliwanag na makikita, at maliwanag din na mahahayag ang kapangahasan ng mga gagawa nito. Dapat ikatuwa itong lumalabas na balita na ginagawa ng militar na pangangalaga at pagtatanggol sa teritroyo ng bansa na matapang na kinakamkam ng China. Nawala kasi sa focus ang militar sa napakahalagang isyung ito. Kasi naman, mistulang ipinamigay na ng administrasyong Duterte ang teritoryo ng bansa nang wala itong reklamo sa anumang ginagawa ng China sa loob ng ideneklarang nasa exclusive economic zone ng bansa. At ang pinakagrabeng ginawa ng Pangulo ay hayagan niyang sinabi na “inutil” siya sa isyung ito. Nasabi niya ito dahil sa harap ng pagkamkam na ginagawa ng China sa teritroyo ng bansa, ipinagigiit sa kanya sa China ang kapasiyahang ginawa ng Arbitration Court, The Hague na ang inaangkin nito ay nasa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Mukhang nabago ngayon ang paninindigan ng militar sa usaping ito. Kung ito ay naayon sa paggamit ni Pangulong Duterte sa sinasabi niyang sariling kapangyarihan hinggil sa suliraning panlabas ng bansa, hindi ko alam. Ang alam ko ay sa pagsalungat ng mga ibang bansa na naapektuhan sa ginagawa ng China sa pagangkin sa halos kabuan ng South China Sea, sumasandig sila sa naging desisyong napanalunan ng Pilipinas laban mismo sa China. Hindi naman maganda na nanatiling tahimik ang ating militar gayon agresibong kumikilos ang militar ng mga ibang bansa para ipaglaban ang nararapat para sa atin. Hindi inutil ang ating lahi