ni Dave M. Veridiano, E.E.
MARAMING oras na ang nakararaan ay singlabo pa rin ng sabaw ng sinaing ang paunang imbestigasyon sa naganap na barilan habang papalubog ang araw nitong Martes sa harapan ng Ever-Gotesco Mall sa may
Commonwealth Avenue, Quezon City. Hindi kasi agad malaman kung sino ba sa dalawang magkahiwalay na grupo ng mga operatiba mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Quezon City Police District (QCPD) ang nagsagawa ng lehitimong buy-bust operation?
Hindi biro ang nangyari dahil tatlo na ang mga operatibang namatay – ang ikatlong bangkay ay nakita sa loob ng puting van -- sa gitna ng tinatawag na anti-drug operation na ipinamamarali ng administrasyong ito, at ang dalawang grupo ay nagtuturuan kung sino sa kanila ang “buyer” at sino rin ang “pusher”.
Huwag naman sana tayong mapaglaruan, na baka kamukatmukat – ang lalabas na suspek eh ‘yung mga nagbabalatkayong vendor sa paligid ng mall at nagka-misencounter lamang ang PDEA at QCPD na kapwa nagsasagawa ng anti-drug operation!
Ano nga ba ang nangyari?
Ayon sa unang opisyal na impormasyon na lumabas sa social media – tweet ng insidente na sketchy pa mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) umalingawngaw ang putukan ganap na 6:08 p.m. na naging dahilan ng pagtigil ng daloy ng mga sasakyan sa eastbound lane ng Commonwealth Avenue.
Sa mga nagsulputang video sa social media makikitang nakadapa ang ilang operatiba ng PDEA, yung iba naka- tsinelas lamang, habang tinututukan ng mahahabang baril ng mga pulis mula QCPD.
Mayroon ding video na makikita ang nag-iiyakang ang mga pinarapang tao sa loob ng McDonald Fastfood outlet sa lugar. Naghihiyawan ang mga babae, lalo na yung isang buntis na nagsusumigaw na baka raw siya duguin sa takot.
Kung susuriin ang video na marahil ay kuha mula sa isang cellphone, masasabing ang “buy-bust” operation na inaangkin na ginawa ng magkabilang panig, ay mismong sa loob ng McDonald na ito naganap, at ang may control sa lugar ng mga oras na iyon ay mga operatiba ng QCPD.
Hahayaan ko munang gumulong ang imbestigasyon ng ilang araw bago ko ibulalas ang saloobin ko, na nakasandig naman sa karanasan ko sa pagsama sa mga ganitong klase ng operation, na ang alam ko na pinakakailangang
proteksyon ng mga operatiba ay “proper coordination” sa ibang ahensiya na may AOR (Area of Responsibility) sa lugar.
Bagaman sa tantiya ko na ang “buy-bust operation” na sinundan ng barilan ay ‘di naganap sa loob ng Ever-Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue ay naging maagap ang pagkilos ng pamunuan ng mall para mapangalagaan ang kaligtasan ng kanilang mga kostomer.
Agad silang nagpalabas ng pahayag na nagsasabing ligtas ang mga tao sa loob ng mall at ang putukan ay sa labas naganap. “We have confirmed reports of a shootout that happened earlier outside of Ever Commonwealth. We have secured all access to the mall so all shoppers are safe inside. Our priority right now is to ensure the safety of the employees and the public. The management is closely coordinating with the PNP of the current situation. Please bear with us as we allow the authorities to handle the situation. For now, we hope for everyone’s cooperation to exercise caution in sharing unconfirmed information online."
Ang tingin ko rito --- ay hindi BUY-BUST kundi isa sa tinatawag kong SELL-BUST na madalas na ginagawa ng ilang anti-drug operatives. Bago ba sa pandinig n’yo ang tinuran ko? Eh ‘di ‘wag kayong bibitaw sa pagbabasa ng ImbestigaDAVE para malaman nyo!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]