ni Ric Valmonte
“Bilangbahagi ng aming mandato na pangalagaan ang mamamayan, gagawin naming malinaw ang aming presensiya sa pamamagitan ng karagdagang assets na aming ikakalat sa West Philippine Sea. Gusto kong maging malinaw na ang presensiya ng Navy dito ay hindi para makipagdigma sa China kundi pangalagaan ang aming mamamayan,” wika ni Armed Forces of the Philippines chief of staff Lt. Gen. Cirlito Sobejana. Ayon naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, hindi armado ang mga mangingisda, kaya pinapayuhan niya ang mga ito na patuloy mangisda sa tradisyunal na lugar tulad ng Scarborough Shoal, Reed Bank at Mischief Reef dahil tradisyunal na pinangingisdaan ang mga ito ng mga Pilipino. Kaya, aniya, magpatuloy sila at tinitiyak niyang may sapat na patrol ang Coast Guard at mga barko ng Navy para proteksyunan sila. Ganoon pa man, nababahala si Lorenzana hinggil sa batas na ipinasa ng China kamakailan na nagpapahintulot sa kanyang Coast Guard na paputukan ang mga banyagang barko na papasok sa inaari niyang teritoryo. “Kaya nananawagan ako sa lahat ng mga bansang may inaaring bahagi sa South China Sea tulad ng mga Tsinoy, Vietnamese na magingat sa pagpapairal ng kanilang batas dahil ang mga lugar na kanilang pinangingisdaan ay ang West Philippine Sea at ito ay nasa aming exclusive economic zone na ibinigay sa amin ng United Nations Convention on the Law of the Sea at niratipikahan ng China. Kaya, ako ay nababahala,” wika pa niya.
Kung totoo ang sinasabi nina Gen. Sobejana at Sec. Lorenzana, pinaiiral nila ang desisyong napanalunan ng bansa sa Arbitration Court, the Hague laban sa China. Kasi, noong una, hindi na pinahihintulan ng China ang mangingisdang Pilipino na mangisda sa West Philippine Sea sa kabila ng desisyon ng Arbitration Court. At noong una, may barko ang mga mangingisdang Pilipino na nakadaong sa Mischief Reef na binunggo at pinalubog ng Chinese vessel at iniwan ang mga ito na kakawag-kawag sa karagatan hanggang sa sila ay masagip ng mga Vietnamese. Napakalakas ng loob ng mga Tsinoy na gawin ito at ang paghadlang sa mga Pilipinong mangisda sa karagatan ng West Philippine Sea. Kasi naman, sa kanyang huling State of the Nation address, inamin ni Pangulong Duterte na siya ay “inutil” na pairalin ang desisyon ng Arbitral Court kahit ipinangako niya noong panahon ng kampanya para sa pangunguluhan na kanyang ipagtatanggol ang teritoryo ng bansa.
Sa pahayag nina Gen. Sobejana at Sec. Lorenzana, pinaiiral na nila ang napanalunang desisyon ng bansa laban sa China. Walang publikong pahayag ang Pangulo kung siya ay naaayon o laban dito sa kabila ng sinabi niyang kanyang kapangyarihan lamang ang mga bagay na may kaugnayan sa mga suliraning panlabas ng bansa. Ginawa na ng militar ang sinabi ng Pangulo na inutil niya itong gawin.