ni Mercy Lejarde
MAGHAHATID ng kilig ang inaabangang tambalan ng original Dao Ming Si at Shan Chai ng bagong henerasyon nina Jerry Yan atShen Yue sa sikat na 2020 series na Count Your Lucky Stars dahil ihahatid ito ng ABS-CBN sa mga Pilipino simula ngayong Pebrero.
Magsisimula ang kwento kay Calvin Lu (Jerry), isang gwapo at respetadong fashion designer na kilala dahil sa kanyang angking talento at mamahaling porma sa kabila ng kanyang pagkasuplado. Si Andi Tong (Shen) naman ay isa ring fashion designer ngunit matagal nang hindi umaasenso sa buhay dahil sa sunod-sunod na kamalasan na dumarating sa kanya.
Nakatakda namang magkapalit ang kanilang kapalaran at mag-iiba ang mundo nilang dalawa dahil sa isang hindi inaasahang aksidente na pagtatagpuin sila. Habang puro kamalasan ang pagdadaanan ni Calvin, uulanin naman ng swerte si Andi at biglang aabante ang career.
Sa pagkakabaliktad ng kanilang kalagayan, posible rin kayang mauwi sa pag-iibigan ang kanilang tadhana?
Mapapanood ng mga Pinoy ang serye sa iWantTFC streaming service nang libre ngayong Lunes (Pebrero 22), samantalang ipapalabas din ito sa Kapamilya Channel para sa cable at satellite TV viewers, sa A2Z channel sa free TV at digital TV boxes, at Kapamilya Online Live sa Facebook at YouTube