NAKAAHON mula sa pagkatalo si Filipino Candidate Master Al Basher “Basty” Buto (Elo 1510) matapos manaig kina Aussie Jayden Ooi (Elo 1780) sa 4th round at Iranian Arshia Mohammadyansichani (Elo 1782) sa 5th round ng 2020 Online World Cadets and Youth Rapid Championships (Asian Continental) nitong Sabado sa Tornelo platform.
Ang 10 year old Buto na grade five pupil ng Faith Christian School in Cainta, Rizal Province, nasa ilalim ng panganasiwa nina American chess coach Dave Fenton at International Master (IM) Chito Garma ay napataas ang total 4.0 points - sapat para makisalo sa third place at 0.5 sa likod nina Ern Jie Anderson Ang ng Malaysia at Aakash G ng India, na may parehong 4.5 points sa Open U10 division.
Ang top 3 finishers sa bawat division ng Asian zone ay uusad sa world stage ayon kay National Chess Federation of the Philippines Chairman/President Deputy Speaker Prospero “Butch” Pichay Jr.
Napanatili naman ni April Joy Claros ng Pampanga ang malinis na karta nang gapiin si Aisha Mohamed Al Muaini ng United Arab Emirates para makisalo sa first place kay Laysa Latifah ng Indonesia na kapwa nakaipon ng perfect 5 points sa Girls U14.
Samantala ay nangunguna sina Michael Concio Jr. (4.5/5) and International Master (IM) Daniel Quizon (4/5) sa Open U16.
Nagpatuloy din ang malakas na performance ni Arena Fide Master (AFM) King Whisley Puso ng Cavite sa Open U12 matapos makipag draw kay Yu Tian Poh ng Malaysia sa fourth round at Tong(Qd) Xiao ng China sa fifth round.