NAMUMUO na ang galit at poot dulot ng kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 pandemic, kung saan maraming bansa sa Europe ang balik sa pagpapatupad ng bagong lockdown at restriksyon na layong mapigilan ang patuloy na pagkalat ng impeksyon at pagkamatay.
Nagpang-abot ang ilang raliyista at pulisya sa ilang siyudad sa Spain sa ikalawang gabi ng kaguluhan nitong Sabado, habang ang England ay naghahanda para sa bagong stay-at-home order, na sumunod sa naging hakbang ng Austria, France at Ireland.
Desperado na ang mga pamahalaan sa Europe na mapahupa ang nakapangangambang bugso ng impeksyon sa rehiyon na nakapagtala na ng higit 279,000 pagkamatay mula nang unang umusbong ang virus sa China noong huling bahagi ng 2019.
Sa England, marami ang nababahala sa magiging epekto sa ekonomiya ng apat na linggong shutdown na magsisimula sa Huwebes, kahit pa
hindi ito kasing higpit noong una, dahil mananatiling bukas ang mga paaralan at unibersidad—tulad sa France.
Ayon kay Michael Kill, CEO ng Night Time Industries Association, na nakatuon sa entertainment at hospitality sector, magdudulot ang bagong restriksyon ng “financial Armageddon” sa mga negosyo.
“This city will go bust, there will be nothing left of it,” pahayag ni Roger Stenson, 73-anyos na pensioner mula Nottingham, bilang pag-aalala sa pangmatagalang epekto ng panibagong shutdown.
“I fear for the young, like my own grandchildren and great-grandchildren, they’re going to suffer.”
PANIBAGONG RESTRIKSYON
Sa Spain, humantong na sa looting at vandalism ang galit na bumalot sa lansangan ng ilang syudad nitong weekend.
Nagpatupad ang bansa ng nationwide nighttime curfew habang halos lahat ng rehiyon sa Spain ay nagsara ng border upang maiwasan ang paglalakbay.
Sa Italy, ilang demostrasyon ang naganap nitong nakaraang linggo, habang inaasahang mag-aanunsiyo ang pamahalaan ng bagong restriksyon sa mga susunod na araw.
Kabilang sa inaasahang ipatutupad ang pagbabawal sa paglalakbay sa pagitan ng mga rehiyon, pagsasara ng mga shopping centres tuwing weekend, limitadong aktibidad sa merkado at pagpapatupad ng mas maagang curfew.
“The epidemiological curve is still very high,” pahayag ni Health Minister Roberto Speranza, na nagsusulong ng isang country-wide lockdown, sa Corriere della Sera newspaper.
“What worries me is the absolute figure, which shows a terrifying curve. Either we bend it, or we are in trouble,” aniya.
Nagdulot din ng kaguluhan ang pagpapatupad ng restriksyon sa Argentina, kung saan sumiklab ang riot sa ilang bilangguan sa Buenos Aires nitong Sabado, mula sa mga bilanggong nananawagan ng muling pagtanggap ng bisita sa gitna ng pandemya.
‘SAMPAL’
Patuloy ring nagdurusa ang sitwasyon ng kalusugan sa United States, kasabay ng presidential election sa pagitan nina President Donald Trump at Democratic rival Joe Biden.
Pinaka-matinding apektadong bansa na may 230,586 pagkamatay, nagtala ang US ng bagong 776 pagkamatay nito lamang Sabado, ang pinakamataas na bilang sa mundo, ayon sa AFP tally.
Sinabi ni top government scientist Anthony Fauci sa Washington Post na “[US is] in for a whole lot of hurt.”
“All the stars are aligned in the wrong place,” aniya.
Malaman na tugon naman ang ibinigay ni White House spokesman Judd Deere.
“It’s unacceptable and breaking with all norms for Dr Fauci, a senior member of the President’s Coronavirus Taskforce and someone who has praised President Trump’s actions throughout this pandemic, to choose three days before an election to play politics,” ani Deere.
Sa Germany, ramdam ang lungkot sa pagsasara ng Bavarian State Opera House sa Munich dahil sa retriksyong ipinatutupad.
Samantala, sinabi naman ni French Prime Minister Jean Castex, na ipagbabawal muna sa mga supermarkets ang pagbebenta ng mga “non-essential” items mula Martes upang protektahan ang maliliit na tindahan na napilitang magsara.
DISPLACED SYRIANS
Umabot na sa halos 1,196,109 katao ang namatay dulot ng virus sa buong mundo mula nang unang pumutok ang outbreak noong Disyembre, na nakahawa na sa higit 46 na milyon.
Habang napahayag na ng pagkabahala ang mga ospital sa Europe sa kakayahang matulungan ang tumataas ng bilang ng pasyente, higit na malala ang dinaranas ng marami ng ibang bahagi ng mundo.
Sa war-torn northwest Syria, kung saan halos 1.5 milyong tao ang naninirahan sa mga siksikang kampo at shelter, na kalimitang may mababang access sa malinis na tubig, tumataas ang mga pangamba.
“They tell us, ‘Don’t go out. Don’t cause overcrowding’. But we live in tents barely half a metre apart,” pahayag ni Mohammad al-Omar, informal settlement sa Idlib na sakop pa rin ng mga rebelde.
AFP