MAAARING maikonekta ang mahabang exposure sa air pollution sa 15 porsiyento ng pagkamatay sa COVID-19 sa mundo, ayon sa isang pag-aaral na inilabas nitong Martes na nagbibigay-diin sa panganib sa kalusugan na dala ng greenhouse gas emissions.

Natuklasan sa nauna nang pananaliksik kung paanong ang polusyon sa hangin mula sa usok na ibinubuga ng mga sasakyan at pabrika ay nakapagpapababa ng dalawang taon sa life expectancy ng bawat tao sa mundo.

Ngayon, sinasabi ng mga eksperto sa Germany at Cyprus na nakapagtaya sila ng bahagi ng pagkamatay mula sa coronavirus na maaaring isisi sa lumalalang epekto ng polusyon sa hangin.

Kumuha ang pag-aaral, na inilabas sa journal na Cardiovascular Research, ng datos para sa health and disease mula sa US at China na may kaugnayan sa air pollution, COVID-19 at SARS — isang seryosong sakit sa baga na katulad ng COVID-19.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Isinama nila ito sa satellite data ng “global exposure to particulate matter” — microscopic particles —kasama ng ground-based pollution monitoring networks, upang makalkula ang lawak na maaaring maikonekta ang polusyon sa hangin sa pagkamatay mula sa COVID-19.

Sa East Asia, na may ilang pinakamataas na mapanganib na polusyon sa planeta, natuklasan ng mga mananaliksik na 27 porsiyento ng pagkamatay sa COVID-19 ay maaaring maikonekta sa epekto sa kalusugan ng mababang kalidad ng hangin.

Sa Europe nasa 19 porsiyento ang proporsyon, kumpara sa 17 porsiyento sa North America.

“If both long-term exposure to air pollution and infection with the COVID-19 virus come together then we have an adverse effect on health, particularly with respect to the heart and blood vessels,” ayon sa paple na kamay-akda ni Thomas Munzel.

Aniya, nagdudulot ang polusyon sa hangin ng panganib na salik sa COVID-19 tulad ng problema sa baga at puso.

Partikular, binigyang-diin ng grupo na pinatataas ng particulate matter ang aktibidad sa receptor ng lung cell surfaces, ACE-2, na kilalang sangkot sa pagkahawa ng pasyente sa COVID-19.

“So we have a double hit: air pollution damages the lungs and increases the activity of ACE-2, which in turn leads to enhanced uptake of the virus,” paliwanag ni Munzel, professor ng University Medical Center ng Johannes Gutenberg University, Mainz.

TANGING REMEDYO

Nilinaw naman ng mga may-akda na ang pagkonekta sa pagkamatay sa COVID-19 sa polusyon sa hangin ay hindi naman nangangahulugan na mismong ang polusyon ang pumapatay sa mga tao na may COVID-19—bagamat hindi rin nila ibinasura ang sitwasyong ito.

Ibinahagi ni Jos Lelieveld, ng Max Planck Institute for Chemistry, sa AFP na suhestiyon ng pananaliksik na “the pollution particles are a co-factor in aggravating the disease”.

Aniya, sa kanilang pagtataya sinasabing higit sa 6,100 pagkamatay sa COVID sa Britain ay maaaring maikonekta sa polusyon sa hangin. Sa US ang bilang na ito ay nasa 40,000.

Paalala pa ng mga may-akda, kung hindi magkakaroon ng pundamental na pagbabago kung paano pinatatakbo ng mga siyudad ang kanilang sarili, kabilang ang pagpapalit sa malinis at renewable energy sources, patuloy na kikitil ng buhay ang polusyon sa hangin kahit pa matapos ang pandemya.

“The pandemic ends with the vaccination of the population or with herd immunity through extensive infection of the population,” saad pa nila.

“However, there are no vaccines against poor air quality and climate change. The remedy is to mitigate emissions.”

-Agence France-Presse