HINDI na matutuloy ang dapat sana’y NBA-type bubble ng Philippine Basketball Association (PBA) para sa restart ng kanilang season sa Dubai.
Naniniwala si Commissioner Willie Marcial na may kalabuan na ang pagdaraos ng kabuuan ng season sa United Arab Emirates lalo pa’t target nila na simulan ang pagpapatuloy ng Philippine Cup sa Oktubre 9 o isang buwan mula ngayon.
Para kay Marcial, magagahol na sila sa panahon upang maisaayos ang mga kinakailangan para sa pagdaraos ng PBA bubble.
Katunayan, hindi pa nakakapagdesisyon ang PBA Board kung anong tipo ng bubble ang dapat nilang gawin.
Ayon kay Marcial naipaalam na nila ang scenario kay Mark Jan Kar, commercial director ng Coca-Cola Arena, kung saan dapat gaganapin ang PBA bubble.
“Sinabi ko sa kanila baka hindi umabot ng October kasi nga September na. Baka gahol na tayo, baka kulangin sa proseso.”
Kahapon, habang sinusulat ang balitang ito ay isinasagawa ang PBA board meeting kung saan tatalakayin ang gusto nilang maging tipo ng gagawing bubble.
-Marivic Awitan