Tiniyak ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) na handang-handa na sila sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Oktubre 5.

Ang pagtiyak ay ginawa ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, sa kabila nang panawagan ng ilang grupo na magkaroon muna ng academic freeze bunsod na rin ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Malaki aniya ang naitulong sa kanila ng halos limang buwang ekstensiyon ng pagpapaliban ng pagbubukas ng School Year 2020-2021 upang higit pa itong mapaghandaan.

Sa ngayon aniya ay mahigit sa 24 na milyong estudyante na ang nakapagpa-enroll para sa pasukan sa kabila ng nararanasang pandemic.

National

'VP Sara, bawas-bawasan pagiging Sara the explorer!'—Usec. Castro

Sa datos ng DepEd, hanggang 8:00 ng umaga ng Setyembre 9 ay kabuuang 24,305,551 na ang bilang ng enrollees sa bansa o katumbas ng 87.82% ng enrollees noong School Year 2019-2020.

Sa nasabing bilang, nasa 22,226,131 ang mag-aaral na nagpatala sa mga pampublikong paaralan habang 2,029,202 milyon naman sa mga pribadong paaralan.

Inaasahan namang darami pa ang naturang bilang ng mga estudyante na nagpa-enroll sa mga susunod na araw matapos tiyakin ng DepEd na patuloy pa silang tatanggap ng mga late enrollees hanggang sa Nobyembre.

Siniguro rin naman ni Malaluan na isa sa mga prayoridad nila ngayon ay ang mabuksan ng ligtas at maayos ang School Year sa pamamagitan ng blended learning at distance learning sa bansa.

-Mary Ann Santiago