NAGHAIN ng resolusyon si Sen. Risa Hontiveros para imbestigahan ang Bayanihan PPE (Personal Protective Equipment) Project ng Department of Health (DOH), Department of Trade and Industry (DTI) at Board of Investment (BOI) para pasiglahin ang lokal na produskyon ng dekalidad na PPE para sa mga healthcare workers. Kasi naman, ang mga local garment manufacturers na lumipat sa paggawa ng PPE ay nagrereklamo dahil napakababa ang bilang ng kinukuhang PPE ng gobyerno sa kanila kaysa nagagawa nila. Higit na tinatangkilik pa nito ang gawa ng mga banyaga. “Kinakailangan itaguyod ng gobyerno ang paggamit muna ng labor ng mga Pilipino at ang mga produktong gawa sa bansa upang masiguro ang paglago at katatagan ng sektor na ito na hindi lamang nagbibigay ng ligtas at dekalidad na PPE para sa mga healthcare workers kundi ng siguradong trabaho para sa mga libu-libong Pilipinong nagtatrabaho sa mga pabrika sa gitna ng pandemya,” wika ni Hontiveros sa kanyang resolusyon.
Kamakailan, humiling ang pinakamalaking grupo ng mga negosyante na magkaroon ng representasyon sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF). Nais ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na tumulong sa gobyerno sa paglikha ng matatag at praktikal na plano na magpapagaan sa pagsisimula muli ng mga negosyo at masagip ang ekonomiya sa patuloy nitong pagbagsak. Ang problema, hindi dininig ng gobyerno ang kahilingan nito. Eh, napakahalaga ng representasyon ng mga negosyante sa IATF. Ang pandemya ay hindi lamang problemang pangkalusugan. Ang mga remedyong ipinatutupad upang maiwasan ang pagkalat ng sakit ay grabeng nakakaapekto sa ekonomiya. Kung mayroon mang kumakatawan sa sektor ng ekonomiya, taga gobyerno ito. Wala iyong nagbubuhat sa pribadong sektor tulad ng PCCI na, sa pagsugpo ng sakit, tapat na naisusulong ang kapakanan ng mga negosyante.
Tingnan ninyo ang problemang nais ni Sen. Hontiveros na imbestigahan ng Senado. Ang PPE na ginagastusan ng pondo ng bayan at proyektong magkasamang itinataguyod ng DOH, DTI at BOI para pasiglahin ang lokal na produksyon ng delikalidad na PPE para sa mga health care workers ay iba ang nakikinabang. Ang tinatangkilik sa halip na PPE na gawa ng ating mga negosyante ay ang gawa sa ibang bansa. Paano makatutulong ang paraang ito na sa ngalan ng paglaban sa pandemya, ang salaping inilaan para dito ay pinakikinabangan ng mga negosyanteng dayuhan, hindi ng mga lokal na pabrikang bubuhy sa mga ito at magbibigay ng trabaho sa ating mga mamamayan? Ibang klaseng negosyo ang itinataguyod ng kung sinuman ito na nasa gobyerno. Pinagkakakitaan ang pandemya at kahirapan ng sambayanan. Corruption, overprice at kickback ang nagbubunsod sa mga ito. Nasa pandemya ang malaking pondo na animo’y matamis na kinukuyog ng mga langgam. Dapat ipursige ang resolusyong ito ni Hontiveros at imbestigahan ang mga nasa likod ng karumaldumal na gawaing ito. Baka itong pagtangkilik at pagbili ng mga banyagang PPE ay tip of the iceberg lamang. Natitiyak ko na ang imbestigasyon, kapag natuloy, ay magbubukas sa Pandora’s box at can of worms. Marami pang anomalyang madidiskubre sa ginagawang ito ng gobyerno at IATF na nenegosyo ang paglaban sa pandemya at takot ng sambayanan dito.
-Ric Valmonte