Binigyang-diin kahapon ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na responsibilidad ng mga driver ang kanilang mga pasahero kaya’t dapat nilang tiyakin ang kaligtasan ng mga ito.

Kasabay nito, hinikayat ni DOTr Assistant Secretary Goddes Hope Libiran ang mga driver ng mga public utility vehicles (PUVs) na tanggihan at huwag pasakayin ang mga pasaherong walang face mask at face shield, maging ang mga taong bawal lumalabas sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Nagpaalala rin siya sa driver at konduktor na maging mahinahon sa pagtatanong o paninita para makaiwas sa gulo.

“Kung hindi maiiwasang talagang magre-refuse sila ng pasahero, hindi po dapat may kagaspangan ng pag-uugali ‘yan. Dapat ang pag-refuse nila polite. Explain nila kung bakit nire-refuse para maintindihan at maramdaman ng pasaherong ginagawa ‘yun for their own safety,” paliwanag pa ni Libiran.

Probinsya

Binatilyong nanonood ng liga, patay matapos makuryente sa poste ng basketball ring

Nilinaw naman ni Libiran na maaaring isakay ang mga nagtatrabahong senior at mga mas bata sa 21 anyos basta’t may maipakitang company ID o certificate of employment, gayundin ang mga magpapakonsulta sa doktor o bibili ng essential goods at services.

Matatandaang sa ilalim ng GCQ, pinapayagan ang operasyon ng piling pampublikong sasakyan basta’t susunod sa health protocols.

Kinakailangan ring ang mga pasahero ay may suot ng face mask at face shield, alinsunod sa mga protocol na ipinatutupad ng pamahalaan.

-Mary Ann Santiago