NAGLAAN ang pamahalaan ng P500 milyon para sa pagtatayo ng isang ospital na tatanggap ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya.

Ito ang inanunsiyo ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III sa harap ng “Pagadianon OFW Global Families” sa kanyang naging pagbisita sa Pagadian nitong Sabado.

Pagbabahagi ng kalihim, magsisimula na sa susunod na buwan ang konstruksiyon ng P500 milyon na OFW hospital sa Manila at inaasahang mabubuksan sa pagdiriwang ng Labor Day sa susunod na taon.

“All of the OFWs as well as their families can avail free medical services (at the OFW hospital),” pahayag ni Bello.

Aniya, isa sa mahirap na tungkulin na naiatas sa kanya ay ang pagsisiguro ng kapakanan ng mga OFW, na aniya’y malapit sa puso ni Pangulong Duterte.

Ayon pa kay Bello, ayaw ng Pangulo na maabuso ang sinumang manggagawang Pilipino sa ibang bansa at agad na binibigyan siya nito ng direktiba tuwing nagkakaroon ng ulat hinggil sa mga OFW na nasa mahirap na sitwasyon.

Aniya, lahat ng labor attaches ay binigyan ng direktiba na iulat agad ang anumang hindi magandang insidente na may kaugnayan sa mga OFW upang matugunan agad ng Pangulo.

PNA