May 10, 2026

Home BALITA Internasyonal

Initiation daw: 41 kabataang lalaki, tepok sa tuli!

Initiation daw: 41 kabataang lalaki, tepok sa tuli!
Photo courtesy: Freepik

Hindi bababa sa 41 kabataang lalaki ang nasawi matapos umanong sumailalim sa tradisyonal na circumcision o pagtutuli bilang bahagi ng initiation rites o seremonya ng pagpasok sa pagiging ganap na lalaki sa South Africa, na naganap pa noong Nobyembre hanggang Disyembre 2025.

Ayon sa ulat ng international outlets gaya ng ABC News, Los Angeles Times, at iba pa, kasabay ito ng summer initiation season sa bansa dahil ito ay isang taunang ritwal na isinasagawa ng iba’t ibang etnikong grupo sa Africa, kagaya ng Xhosa, Ndebele, Sotho, at Venda.

Sa ritwal na ito, dinadala ang mga tutuliing kabataang lalaki sa mga initiation school kung saan sila pansamantalang inihihiwalay sa kanilang komunidad upang maturuan ng mga kaugalian, pagpapahalaga, at responsibilidad bilang mga nasa hustong gulang.

Gayunman, taon-taon ay may naitatala ring mga nasasawi dahil sa circumcision na bahagi ng ritwal, dahilan upang magpatupad ang pamahalaan ng mga batas na nag-aatas na irehistro ang lahat ng initiation schools.

Sa kabila nito, patuloy pa rin umanong dumarami ang mga ilegal at hindi rehistradong paaralan, na pinanggagalingan ng karamihan sa mga nasabing pagkamatay.

Internasyonal

Humanoid robot, na-ordinahan bilang monghe

Ayon kay Velenkosini Hlabisa, Minister of Traditional Affairs ng South Africa, ang 41 pagkamatay sa summer initiation ngayong taon ay dulot ng kapabayaan ng ilang initiation schools, kabilang na ang mga rehistrado, pati na rin ng mga magulang na hindi sumusunod sa mga pamantayan sa kaligtasan at payong medikal.

Ibinunyag din ni Hlabisa na may mga maling paniniwala at payo na ibinibigay sa kabataang sumasailalim sa ritwal, tulad ng pag-iwas sa pag-inom ng tubig upang umano’y mas mabilis gumaling ang sugat, na isang praktis na walang siyentipikong basehan at itinuturing na mapanganib.

Kinilala ang Eastern Cape bilang hotspot ng mga nasawi, kung saan 21 sa kabuuang bilang ng mga pagkamatay ang naitala. Dagdag pa ni Hlabisa, 41 katao na ang inaresto kaugnay ng mga ilegal na initiation school, kabilang ang ilang magulang na nagsumite ng maling edad ng kanilang mga anak upang makapasok sa ritwal.

Sa ilalim ng batas ng South Africa, tanging ang kabataang lalaking may edad 16 pataas at may pahintulot ng magulang lamang ang maaaring tanggapin sa initiation school.

Sa Pilipinas, ang pagtutuli ay nagiging hudyat ng pagbibinata ng isang kabataang lalaki, at naging tradisyong pagdaraanan na rin.