Bumaba sa antas na “acutely unhealthy” ang kalidad ng hangin sa ilang lugar sa National Capital Region (NCR) madaling araw ng Huwebes, Enero 1, 2026, matapos ang pagdiriwang ng bisperas ng Bagong Taon, batay sa datos mula sa Air Quality Index (AQI) monitoring stations ng Environmental Management Bureau (EMB).
Ayon sa EMB, bandang 8:00 ng umaga ay nagtala ng “acutely unhealthy” na antas ng hangin ang ilang istasyon ng pagmamanman ng fine particulate matter o PM2.5—mga pollutant na maliliit na nakakapasok sa baga.
Batay sa datos, parehong nagtala ng PM2.5 AQI na 274 ang Caloocan (North) at Makati, habang umabot naman sa 260 ang naitala sa Taguig. Ang mga numerong ito ay kabilang sa kategoryang “acutely unhealthy.”
Sa ilalim ng AQI classification system, ang antas ng hangin na nasa pagitan ng 201 hanggang 300 ay itinuturing na acutely unhealthy. Ibig sabihin, maaaring makaranas ng masamang epekto sa kalusugan ang pangkalahatang publiko, habang mas mataas ang panganib ng seryosong sintomas para sa mga sensitibong grupo tulad ng mga bata, senior citizens, at mga may sakit sa puso o baga.
Nauna nang nagbabala ang Department of Health (DOH) na ang usok mula sa paputok ay nagdudulot ng mas mataas na panganib ng hika, lalo na sa mga bata at matatanda.
Samantala, may ilang lugar sa NCR na nanatiling may “good” air quality batay sa PM2.5 readings. Kabilang dito ang Marikina (CEMO), Muntinlupa (Filinvest City), Parañaque, San Juan City, Valenzuela, at Caloocan (University of the East), na may AQI values na mula 21 hanggang 32.
Ayon sa mga environmental authority, karaniwan nang tumataas ang antas ng PM2.5 matapos ang New Year’s Eve dahil sa usok at pinong particulate matter na inilalabas ng malawakang paggamit ng firecrackers at fireworks.