NARANASAN mo na bang maipit sa matinding trapik sa South Luzon Expressway (SLEX) nitong mga nakaraang araw?
Sa bahagi ng Alabang at Nichols toll plaza, sa araw-araw na ginawa ng Diyos, hindi lamang iisang direksiyon ang nararanasang trapik ngunit sa magkabilang panig.
Hindi na rin lusot ang weekend, maging tuwing Linggo, ang bahagi ng SLEX na ito sa trapik.
Bagamat tayo’y pinagbabayad ng mataas na halaga ng toll fee, walang pagbabago sa serbisyo dahil kahit anong araw ay gumagapang pa rin ang trapik sa highway na ito. Subukan mong maghanap ng motoristang nakangiti habang dumaraan sa bahagi na ito ng SLEX at bibigyan ka naming ng piso sa bawat ulo na makikita mong masaya ang disposisyon.
Talagang mabilis makasira ng araw ang trapik. Mabilis makaimbiyerna.
Kung ating iisipin, wala talaga tayong magagawa dahil sa dami ng sasakyang gumagamit ng naturang imprastraktura.
Kaya saludo kami kay Don Ramon Ang ng San Miguel Corporation, na siyang nangangasiwa sa SLEX at iba pang tollway sa rehiyon ng Luzon nang personal itong humingi ng paumanhin sa matinding trapik bunsod ng kinukumpuning Skyway extension sa bahagi ng Alabang at Suzana Heights sa Muntinlupa City.
Aniya, tatagal pa ito hanggang Disyembre subalit langit ang pangako ni Don Ramon na bubuti ang daloy ng mga sasakyan kapag naitayo na ang mga bagong pundasyon para sa Skyway.
Kaya ang pakiusap niya: Konting tiis pa, mga amigo.
Habang nangyayari ang mga ito, biglang naglabas ng anunsiyo ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na bubuksan nito sa mga sasakyan ang 10-kilometrong bahagi ng Cavite-Laguna Expressway (CALAX).
Bubuksan ito sa mga motorista sa Oktubre 30 kasabay ng paggunita ng All Saints Day, kasabay ng pagdagsa ng mga bakasyunista sa iba’t ibang lugar.
Sa pagtaya ng MPTC, aabot sa 10,000 sasakyan ang daraan sa CALAX sa mga unang araw ng operasyon nito.
Malaki ang maitutulong CALAX upang maibsan ang trapik sa SLEX bagamat ang mga toll plaza sa lugar ng Mamplasan-Sta.Rosa-Tagaytay ay hindi pa rin mabubuksan dahil tinatapos pa ang pagkukumpuni ng mga ito.
“The project is 90% completed,” said Villar. “The remaining 10% are portions of the expressway that need to be harmonized, and we are fast-tracking those portions.”
Salamat naman kung ganyan. Dahil sa sobrang dami ng konstruksiyon na nangyayari sa iba’t ibang lugar ng bansa, pihandong magkakabuhul-buhol na naman ang trapik sa mga susunod na araw.
-Aris Ilagan