HINDI na kinailangan ng mahabang panahon ni Kiefer Ravena upang maipakita at patunayang nakabalik na siya sa PBA.
Ni hindi kinakitaan ng pangangalawang sa kanyang laro ang NLEX guard mula sa matagal na pagkakabakante makaraang magtala ng mga impresibong numero para sa Road Warriors sa season-ending Governors Cup.
Nakakatatlo pa lamang laro matapos magbalik buhat sa 18-month suspension na ipinataw sa kanya ng FIBA, nagposte na si Ravena ng season-high 25 puntos na tinampukan ng 5-of-8 clipmula sa 3-point range nang gapiin ng Road Warriors ang Blackwater Elite, 115-109, sa Sta. Rosa Multi-Purpose Complex sa Laguna.
Bukod dito, tumapos din ang 25-anyos na playmaker mula sa Ateneo ng 7 rebounds at 7 ding assists upang tulungang manatiling nangingibabaw ang NLEX sa standings hawak ang malinis na 3-0 rekord.
Sa kanilang nakaraang dalawang panalo noong nakalipas na linggo, nagtala si Ravena ng average na 20.0 puntos, 7.0 rebounds, at 7.5 assists na naging daan upang mahirang sya na PBA Press Corps-Cignal Player of the Week.
Nagtapos si Ravena na may 15 puntos, 7 rebounds, at 7 assists sa 105-99 na panalo nilabkontra Meralco Bolts noong Setyembre 25.
Kabilang sa mga tinalo ni Ravena para sa lingguhang parangal ang kang mga teammates na sina Kenneth Ighalo at JR Quinahan, sina San Miguel Beermen Alex Cabagnot, Arwind Santos at June Mar Fajardo, ang mga Katropang si Jayson Castro, Roger Pogoy at Don Trollano gayundin sina Ian Sangalang ng Magnolia ar Matthew Wright ng Phoenix.
-Marivic Awitan