PATULOY ang pagpupursigi ng Philippine Sports Commission (PSC) na palawigin ang sports education sa bansa sa pamamagitan ng malalim na pakikipag-ugnayan sa United States Sports Academy (USSA).
Nakipagpulong si PSC chairman William "Butch" Ramirez kay USSA President Dr. Thomas Rosendich kamakailan hinggil sa proyekto ng pagsasanib puwersa ng dalawang ahensiya bilang katalista sa pag-unlad ng sports sa bansa.
Ang USSA ay ang natatanging institusyon na may kinalaman sa sports educational institution na nagbibigay ng mga kurso sa bachelors, masters, at doctoral degrees pagdating sa sports science sa Estados Unidos.
Nabanggit sa nasabing pagpupulong ang pagklaro sa pagbuo ng Philippine Sports Library kung saan magmumula sa USSA ang pagbibigay ng mga instructional materials bilang suporta sa bansa.
Bukod pa rito, mag-aabot din ng kanilang donasyon sa pamamagitan ng mga babasahin at journal upang magamit sa nasabing programa. Kasama rin sa pinag-usapan ang pagproseso sa mga kakailanganin para mga guro na mapapabilang sa nasabing sports education.
Sa kanyang pagbisita sa PSC, nilibot din Rosandich ang kabuuan ng Rizal Memorial Sports Complex para matignan ang mga pasilidad at pagsasaayos para sa nalalapit na 30th SEA Games.
Ang pagsasaayos ng nasabing venue ay gagamitin din para sa isasagawang International Diploma in Sports Management course sa susunod na taon. Annie Abad