Isa ang Lungsod ng Imus sa mga pinakamabilis ang pag-unlad sa probinya ng Cavite pagdating sa industriyalisasyon at populasyon. Naging ganap na lungsod nito lamang 2012, ang tinaguriang “Flag Capital of the Philippines” ay umaariba na ngayon sa turismo lalong-lalo na sa kakatapos lamang na Wagayway Festival ng lungsod. Halina’t bisitahin ang makasaysayang lungsod na ito.
Nakagawian na ng mga Pilipino na kapag bibisita sa isang lugar, ay simbahan muna ang dinadalaw, pasasalamat na rin sa ligtas na paglalakbay at sa biyayang natamo, kung kaya’t tara na sa Imus Cathedral sa Barangay Poblacion III-A, na kilala din sa ngalang Cathedral of Our Lady of the Pillar, ito ang puntahan ng mga namamanata sa panahon ng Mahal na Araw at tahanan ng Diocese of Imus, na siyang may hawak sa lahat ng mga Catholic Parishes sa Cavite. Ito ay itinayo sa ilalim ng pangangasiwa ni Fr. Nicolas Becerra. Gawa ito sa ladrilyo (bricks) at bato, inihalaw pa ang hitsura sa Manila Cathedral. Noong 1823, inilipat ito sa kasalukuyang pwesto nito sa Balangon mula sa Toclong upang mas mapalapit sa mga Imuseno at hinawakan na ng mga paring Sekular mula 1897.
Sunod naman nating bisitahin ang Old Municipal Building ng Imus sa Barangay Poblacion IV-B, tawid lamang ito mula sa simbahan. Ang dalawang palapag na gusali ang dating lugar ng munisipyo ng Imus mula ng matayo ito noong 1935 sa ilalim ng termino ni Municipal Mayor Dominador Camerino.. Humalaw ito sa istilo ng unang bahagi ng panahong Komonwelt.
Bagamat inilipat na ang munisipyo, sa kasalukuyan ay may mga opisina pa ring nandirito, tulad ng Commission on Elections (COMELEC), City of Imus Traffic Management Office (CITMO), Public Employment Service Office (PESO), Public Library, at ang City Prosecutor’s Office. Matutunghayan naman ng mga kabataang Imuseno sa kinabukasan ang pagiging isang museo ng lumang munisipyo.
Pinakahuli, kung saan pupuwede tayong magpahinga at lasapin ang ganda ng Imus, ay sa Gen. Licerio Topacio Park o City Of Imus Plaza sa tapat lang ng dating munisipyo.
Ipinangalan sa isang magiting na heneral na tubong Imus at lumaban para sa kasarinlan ng bayan at buong pusong naglingkod sa kanyang mga kapwa Imuseño. Ang Gen. Licerio Topacio Park ay isang open space kung saan makikita ang monumento ni Gen. Licerio Topacio, na binabantayan ng 2 kanyon sa kanyang gilid mula pa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ito ang sentro ng buong plaza complex, ang pangkasaysayan at kultural na tampok sa Imus.
-Nimrod Rubia