SA unang sulyap, ang pagsasabatas ng National Commission for Senior Citizens (NCSC) ay maituturing na pagpapamalas ng pagdakila sa ating nakatatandang mga mamamayan; pagpapahalaga sa mga pagsisikap, kasipagan at katalinuhan na naging gabay at panuntunan nila sa paglilingkod noong kanilang kabataan.
Wala pa akong lubos na kabatiran sa mga itinatadhana ng NCSC. Subalit naniniwala ako na ito ay mangangalaga sa kapakanan at karapatan ng mga senior citizens. Maaaring hikayatin nito ang mga local government units (LGUs) ang pagpapaigting ng kani-kanilang mga programang pangkalusugan, pangkabuhayan, panlipunan at pangseguridad hindi lamang para sa ating nakatatandang mga mamamayan kundi maging sa buong sambayanan.
Totoo na ang gayong mga pagsisikap ay matagal nang ibinunsod ng iba’t ibang LGUs. Ang pamunuan ng Makati City, halimbawa, matagal na nilang sinimulan ang kanilang pagkalinga sa mga senior citizens; bukod sa mga ayudang pananalapi, pinagkakalooban din sila ng medical assistance at iba pang kaluwagan sa kanilang pamumuhay.
Naniniwala ako na gayon din ang mga proyekto at programa na isinusulong sa iba’t ibang LGUs sa buong kapuluan. Sa pamamagitan ng kani-kanilang mga senior citizens council, hinihikayat nito ang iba’t ibang tanggapan na bigyan ng pagkakataong makapaglingkod ang nakatatandang mga mamamayan. Natitiyak ko na marami pa sa kanila ang malulusog ang pangangatawan at matalas ang pag-iisip upang pakinabangan sa iba’t ibang larangan ng pagseserbisyo.
Ganito ang isinusulong ngayon ng administrasyon ni Manila Mayor Isko Moreno. Kaagad niyang inatasan ang kinauukulang opisyal na kausapin ang pamunuan ng mga food chain na tanggapin ang serbisyo ng mga senior citizens, kabilang na ang ating mga kababayang may mga kapansanan o persons with disabilities (PWDs) na may mga kakayahan pang mamasukan para naman may mapagkukunan sila ng ikabubuhay.
Ang gayong mga pagsisikap ay marapat lamang paigtingin ng Duterte administrasyon. Tiyakin nito na sa pamamagitan ng NCSC, ipatupad nito ang makabuluhang programa sa kapakinabangan ng ating mga senior citizens, kabilang na rito, halimbawa, ang dagdag na SSS pension na tila ibinaon na sa limot.
Kapag ang gayong mga pangako – at iba pang kaluwagan para sa nakatatandang mga mamamayan – ay hindi naisakatuparan, hindi ba ang NCSC ay maituturing na isang pakitang-tao lamang?
-Celo Lagmay