MISTULANG emergency power ang isa sa mga marching orders ni Pangulong Duterte kay Secretary Eduardo Año ng Department of the Interior and Local Government (DILG): Gamitin ang mga lupain ng gobyerno sa pagpapaluwag ng trapiko. Ang naturang mahigpit na direktiba ay nakatuon sa local government units (LGUs); kaakibat ito ng pagsasampa ng mga asunto na maaaring humantong sa suspensiyon ng nasabing mga opisyal kung sila ay mabibigong tumalima sa nasabing presidential order.
Ang nabanggit na marching order ng Pangulo – bukod pa sa ibang utos na tinukoy niya sa kanyang State of the Nation Address (SONA) kamakalawa – ay pinaniniwalaan kong nakaangkla sa kanyang naunang pahayag kamakailan: Ang EDSA ay maaaring tawirin o lakbayan sa loob lamang ng limang minuto. Maaaring nagbibiro lamang ang Pangulo subalit mahihinuha na ang naturang mensahe ay isang direktiba sa lahat ng kinauukulan upang lutasin ang matinding problema sa usad-pagong na trapik na matagal nang ipinanggagalaiti ng ating mga kababayan, lalo na ng mga motorista.
Halos lahat ng mga estratehiya ay pinausad na yata ng Department of Transportation, lalo na ng Metro Manila Development Authority; nakalulungkot na hanggang ngayon ay siksikan pa rin ang mga sasakyan sa EDSA – at iba pang pangunahing mga lansangan sa Metro Manila. Sa kabila ng kabi-kabila at matitinding pagtuligsa sa nabanggit na mga ahensiya ng gobyerno, ang traffic problem ay nananatili pa ring kalbaryo sa sambayanan.
Nakasisindak ngayon ang utos ng Pangulo. Ang mga lupain ng pamahalaan, tulad ng mga kalye at bangketa, ay marapat na pakinabangan nating lahat. Ibig sabihin, ang naturang mga lugar na ginagawang mga talyer sa pagpapakumpuni ng mga sassakyan, ginagamit sa car wash business, tindahan at karinderya at iba pa, ay kailangang panatilihing bakante para sa mga mamamayan o pedestrians. Maraming kalye sa Metro Manila ang walang-habas na pinagpaparadahan ng mga kotse at iba pang truck na lalong nagpapasikip sa daloy ng trapiko, lalo na sa tinatawag na Mabuhay Lanes.
Ang gayong nakagagalit na mga eksena ay natitiyak kong may bendisyon, wika nga, ng mga LGUs, lalo na ng mga barangay officials. Sila ang pasimuno sa pagbibigay ng permiso sa labag sa batas na operasyon na itinuturing na salot sa mga lansangan. Maliwanag na sila ang target ng direktiba ng Pangulo.
Nasa kamay ngayon ng pamunuan ng DILG ang paglilinis at pagpapaluwag ng trapik sa ating mga komunidad, lalo na sa pangunahing mga lansangan sa Metro Manila – at maaaring sa iba pang sulok ng kapuluan. Barometro ito ng tagumpay at kabiguan ng marching order ng Pangulo.
-Celo Lagmay