Ni Annie Abad

ISANG unity meeting para sa layuning mapagkaisa ang lahat tungo sa tagumpay ng 30th Southeast Asian Games (SEAG) hosting ang inorganisa ni Team Philippines Chef de Mission at Philippine Sports Commission Chairman William "Butch" Ramirez.

Sa Hulyo 24, sasamahan ni Ramirez ang mga National Sports Associations representatives sa pakikipagpulong kay Pangulong Duterte sa Malacanang.

Kasama rin sa nasabing pagtitipon ang mga opisyales ng Philippine Olympic Committee (POC), Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) upang ipakita ang kanilaang suporta para sa paghahanda sa nasabing 11-nation biennial meet.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“If we want to win as one, we should embrace a united front. One team, one goal. The country should come together and be united in supporting this government effort," pahayag ni Ramirez

Nauna dito, nakipagpulong si Ramirez kina Executive Secretary Salvador Medialdea, Senator Bong Go, Taguig City Congressman Alan Peter Cayetano at pati na rin kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Samantala, limang atleta naman ang maaaring isama ng isang national sports association sa nasabing pagtitipon sa Palasyo ganap na alas-10 ng umaga.

Kabuuang 57 sports ang nakatakdang paglabanan sa nasabing biennial meet sa tatlong pangunahing venues, sa Metro Manila, New Clark City at Subic.

Umaasa si Ramirez na ang nasabing pagpupulong ay maghikayat sa mga opisyales ng Phisgoc, POC at ng PSC na kumilos sa iisang direksyon sa preparasyon para sa nasabing malaking event na gaganapin sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Siniguro rin ng PSC chief na lahat ng mga transaksyon na papasukin ng Phisgoc at POC hinggil sa paghahanda ng biennial meet ay magiging hayag at bukas sa gobyerno sa pamamagitan ng PSC.