ALIW ang naging panonood namin sa latest vlog ni Sylvia Sanchez, nang kumasa siya sa P1,000 shopping spree challenge sa paborito niyang puntahan para mamili.
“Makulit si ma’am. Barat. Pabayaan mo na si ma’am para matapos na.”
Ito ang pahayag ni Ate Jingle, may-ari ng malaking tindahan ng mga imahe ng iba’t ibang santo sa may Tayuman Street, Manila, kung saan namimili ang aktres.
Sa episode 9 ng kanyang vlog na naka-upload sa YouTube ay nagpunta sa Divisoria si Sylvia para mamili, kasama ang Mama Rosyline Campo niya na mahilig din sa mga imahe.
Matagal na palang doon namimili ang aktres kaya kilalang-kilala na siya roon at nakaka-diskuwento siya nang malaki, bukod pa sa may pabaong libreng imahe para naman sa anak niya, ang aktor na si Arjo Atayde.
Ang sumunod na eksena ay nasa Divisoria na siya, sa 168 na, at tuwang-tuwa dahil ito ang kanyang favorite shopping mall dahil mura at magaganda pa ang mga paninda.
“Madalas ako pumunta dito kasi mura. Minsan kami ng mga anak ko, lalo na si Ria (Atayde), ang sarap kayang mamili sa Divisoria,” saad sa amin ni Ibyang.
Sa nasabing vlog ay inamin ng aktres na hinamon siya kung anu-ano ang mabibili niya sa P1,000.
“Binibigyan nila ako ng challenge na worth one thousand pesos, kung mabibilhan ko ang mga anak ko sina Ria, Arjo, Gela at Xavi. Sige challenge accepted,” nakangiting sabi ng aktres.
Unang nabili ni Ibyang ay para sa anak na si Gela na dalawang blusa sa halagang P200, bale P100 bawat isa.
Sige libot to the max si Sylvia, dahil naghahanap siya ng para sa sarili niya pero wala siyang mahanap dahil pawang hindi kasya sa kanya.
“Wala akong nabili sa sarili ko,”saad niya.
At sinabihan pa niya ang mga nagtitinda, “Ate sa susunod gumawa kayo ng malaking (sizes) na tulad ko hindi lang ‘yung pang maliit na katulad n’yo.”
At marami na palang nanonood ng vlogs ni Ibyang, dahil mayroon na siyang 12,000 subscribers. May nakakilala rin sa kanya at inaming pinapanood ang kanyang vlogs, lalo na ang “Nasipit” (Agusan del Norte) episode, nang itampok ng aktres ang bayang kinalakhan niya.
Naikuwento pa ni Nanay Salve Durano na si Arjo pa lang ang anak ni Ibyang noon ay tagahanga na siya ng aktres.
“Lagi kitang pinagpe-pray na maging healthy ka lagi,” sabi ni Nanay Salve.
Dito nagulat ang aktres, dahil tanda pa raw ni Nanay Salve na sexy pa siya noong si Arjo pa lang ang anak niya. Napanood din daw ng fan ang pagganap niya sa Maalaala Mo Kaya with Ms Boots Anson Roa, at sinubaybayan din ang serye niyang The Greatest Love.
“Nakakatuwa, akala ko mga kamag-anak ko lang ang nanonood,” natawang reaksiyon ni Ibyang.
Lakad dito lakad doon hanggang sa may nakita si Sylvia na light pink baseball cap sa halagang P120 at binili niya ito.
“Para ito kay Arjo, bagay sa kanya. Kasi asawa ko mestizo at anak ko mestizo, kaya gusto ko silang naka-light pink, light blue, lilac. Mga ganu’n (kulay) ang bagay,” paliwanag pa niya.
Samantala, nakumpleto ni Ibyang ang P1,000 shopping challenge, at may sukli pa siyang P100, na ibibili niya ng pagkain para sa asawang si Art Atayde.
“Reggee, sa totoo lang, kaming pamilya, mas gusto naming mamili sa Divisoria.
“Minsan hindi kami magkakasama. Si Ria dito siya namimili dati ng pang birthday party ni Xavi. ‘Yung mga laruan na gagamitin sa games, mga pang-display. Kasi sobrang mura talaga.
“Si Gela tuwang-tuwa ‘yun sa mga damit na binibili ko sa kanya. Kahit mura ang damit mo, kung alam mong dalhin magmumukhang mahal na. Kaming pamilya ganyan, akala mo lang mahilig kami sa branded, hindi!” pagtatapat ng aktres.
In fairness, totoo talaga ang mga pahayag na ito ni Ibyang, dahil saksi rin kami na noong nasa ibang bansa kami ay mahilig mamili sa sale na tig-$4-7 ang anak niyang si Ria, at talagang magaganda ang mga napipili.
Anyway, pagkatapos ng Divisoria ay nag-side trip naman si Ibyang sa Excelente Chinese cooked ham sa Quiapo, na suki na siya simula noong 1992.
“Yung corned beef nila ang lagi kong binabalik-balikan, kasi sobrang sarap. Kaso nawala na raw ‘yung mga binibilhan nila ng ingredients. Pinupuntahan ko dito sa Quiapo, corned beef lang, tapos wala na.”
Habang namimili ay may isang gustong magpa-picture kay Sylvia.
“Walang picture, ‘nay. Wala kayong corned beef?”seryosong sabi niya.
Pero alam naman nilang nagbibiro lang si Nanay Gloria (karakter ni Ibyang sa The Greatest Love), kaya natuloy din ang pa-picture ng buong staff ng dinarayong ham store.
At nang pauwi na, may nadaanan si Ibyang na nagtitinda ng banana que, at bumili siya nang marami dahil ito ang meryenda nila habang nasa loob ng sasakyan.
Sa mga hindi nakakaalam, ganyan lang talaga kasimple ang buhay ni Sylvia at maging ng kanyang mga anak. Nagkataon lang na mga may lahing Español siya dahil kay Daddy Art nila, kaya mga sosyal tingnan, lalo na at binibilhan sila ng mga mamahaling gamit.
Pero sa mga hindi nakakaalam, lahat ng kinikita nina Ria at Arjo ay nakatago lahat, pero may mga investments na si Arjo.
“Si Arjo dati ako may hawak ng kinikita niya, ngayon ang Star Magic na. Konti na lang ang naiwan sa akin, dahil may mga binili na si Arjo na condo unit at bumili siya ng kotse niya.
“Tapos humihingi siya ng allowance sa akin every week. Kaya sabi ko, konti na lang pera mo sa akin, ha”” kuwento ng aktres nang makausap namin sa telepono.
As of now, nagte-taping si Sylvia ng Project Kapalaran kasama sina Joey Marquez, JM de Guzman, Arci Muñoz, Kira Balinger, Raikko Mateo, Paulo Angeles, Kid Yambao, Kiko Estrada, Maris Racal, Irma Adlawan, at Rosanna Roces, mula sa RSB Unit.
-Reggee Bonoan