MAY pahiwatig na baka kumalas ang Pilipinas sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) matapos pagtibayin nito ang resolusyon ng bansang Iceland na imbestigahan ang madugong giyera sa illegal drugs ni President Rodrigo Roa Duterte.
Ang resolusyon ay in-adopt ng UNHRC noong Huwebes. Sa 47 kasaping bansa ng konseho, 18 ang bumoto nang pabor sa resolusyon, 14 ang kumontra at 15 ang nag-abstain o hindi lumahok sa botohan. Ang pahiwatig ng pagkalas ng PH sa UNHRC ay ginawa ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. sa kanyang Twitter noong Sabado.
Ganito ang pahayag ng Inglesero at may matalas na dilang si Locsin: “No embassy in Iceland. Nor does Iceland have an embassy here. Iceland took the place of US after it withdrew from the Human Rights Council. I think we need to follow America more.” Tandaan ninyo mga kababayan, si Locsin ay isang Amboy at maka-US.
Ang US ay kumalas sa UNRHC noong Hunyo 2018 bilang protesta sa ipinamamalas na bias nito sa Israel, mahigpit na kaalyadong bansa ng US, at sa pagtanggap ng konseho bilang kasapi ang umano’y mga notoryus na bansa na lumalabag sa human rights.
Kung natatandaan pa ninyo, ang Pilipinas ay kumalas na rin sa Rome Statute, ang founding treaty ng International Criminal Court (ICC), na naging epektibo noong Marso 17, 2019. Samakatwid, kapag tuluyang kumalas ang Pinas sa UNHRC, ito ang pangalawang pagkalas ng ating bansa sa international organizations.
Kailangang mag-ingat sa mga pahayag si Vice Pres. Leni Robredo tungkol sa pagtanggi ng Pilipinas sa pinagtibay na resolusyon ng UNHRC. Sinabi niyang dapat pahintulutan ng PH ang UNHRC na gumawa ng imbestigasyon tungkol sa bloody illegal drug war ng Duterte administration kung talagang wala itong itinatago. Dapat niyang malaman na ayaw ito ng presidente.
Baka tuluyang mapikon si PDu30 at makalimutan niya ang paghanga sa mapuputing binti ni beautiful Leni at udyukan ang mga kaalyado na magsampa ng impeachment complaint laban sa “reyna ng laylayan ng lipunan” at biglang matalo sa protesta ni ex-Sen. Bongbong Marcos. Dapat tandaan ni Robredo na “hawak sa leeg” ng ating Pangulo ang Kamara at umiiral doon ang super majority na siguradong tatalima sa kanya.
Binigyang-diin ng United States ang desisyon ng United Nations arbitral tribunal noong 2016 na nagbabalewala sa nine-dash line claim ng China sa South China Sea. Ayon sa US, ang desisyon ay “final at legally binding” kung kaya salungat ang Washington sa pagsisikap ng Beijing na igiit nito ang labag sa batas na pag-angkin sa SCS.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Dept. of Justice (DoJ) ang umano’y “escort services” ng mga tauhan ng Immigration sa Ninoy Aquino International Airport para makapasok sa bansa ang illegal Chinese workers. Iniutos ni DoJ Sec. Menardo Guevarra sa NBI na siyasatin ang gayong modus operandi sa NAIA na gumagastos umano ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) ng P10,000 kada Tsino para makapasok sa bansa. Talagang maraming tarantado sa paliparan.
-Bert de Guzman