KASABAY ng masigasig at sama-samang pagsusulong ng mga mambabatas ng panukala hinggil sa muling pagpapatupad ng parusang kamatayan, lalo namang tumindi ang pagtutol ng Simbahang Katoliko—at maaaring ng iba pang religious groups— sa naturang pinakamabigat na parusa na dapat ipataw sa karumal-dunal na mga krimen. Ang urung-sulong na paghahain ng nabanggit na bill ay laging sinasagkaan ng iba’t ibang sektor, kabilang na ang ilang Senador at Kongresista na sa mula’t mula pa ay laging naninindigan na ang naturang bill ay mananatiling ‘dead-on-arrival’ sa plenaryo.
Nauunawaan ko ang hindi natitinag na paninindigan ng Catholic Church laban sa death penalty. Sa kabila ito ng malalagim na pagpaslang sa mga alagad ng simbahan na kagagawan ng mga kampon ng kadiliman. Magugunita na isang pari na katatapos lamang magmisa ang dinukot ng kidnap-for-ransom group sa isang bayan sa Mindanao; isa ring pari ang pinatay pagkatapos ng kanyang pagmimisa sa isang barangay sa aming bayan sa Zaragoza, Nueva Ecija. Isinasaad sa mga ulat na marami pang gayong kahindik-hindik na pananampalasan sa mga alagad ng simbahan ang naganap at nagaganap sa iba’t ibang dako ng kapuluan.
Sa kabila ng gayong nakakikilabot na mga krimen, laging binibigyang-diin ng naturang sekta ng pananampalataya: Hindi dapat pairalin ang parusang kamatayan sapagkat tanging Panginoon lamang ang may kapangyarihang bumawi sa buhay ng Kanyang mga nilikha. Isa itong paniniwala na taliwas naman sa ipinaglalaban ng ilang mambabatas at ng marami nating kababayan na ang death penalty ang pinakamatinding hadlang sa karumal-dumal na mga krimen.
Nakalulungkot nga lamang na ang mga mambabatas na naghain ng death penalty bill ay tila may pagkakaibang pananaw sa tinatawag na heinous crimes na dapat lapatan ng mabigat na parusa. Bagama’t iisa ang kanilang common denominator -- pagpuksa ng illegal drugs -- tila nilaktawan nila ang iba pang karumal-dumal na pagpatay ng kidnap-for-ransom group sa kanilang mga binihag sa kabila ng pagbabayad ng mga ito ng limpak-limpak na ransom money. Kabilang din dito ang mga paggahasa ng mag-iina at magkakapatid na kung minsan ay humahantong sa madugong wakas, at iba pang mabibigat na krimen.
Nakatuon lamang ang inihaing bill sa illegal drug trafficking, katiwalian na kinapapalooban ng milyun-milyong pondo ng bayan -- mga kampanya na pangunahing isinusulong ng Duterte administration.
Kapag hindi nasakop ng bagong death penalty bill ang nabanggit na karumal-dumal na mga krimen, naniniwala ako na ang pagtitibaying batas ay masasabing lehislasyon na may itinatangi.
-Celo Lagmay