MARAMI ng batas sa bansa, lokal man o pang nasyonal, ang matagal nang umiiral ngunit karamihan sa mga ito ay animo palamuti lamang dahil hindi naman ipinatutupad o ‘di kaya naman ay mas sa malamang na pinagkakaperahan lamang ng mga matitinik nating opisyal sa pamahalaan.
Ang bagay na ito ay kadalasan na ipinagkikibit-balikat lamang ng mga mamamayan dahil natural na yata talagang mahirap pasunurin sa batas ang ating mga kababayan – maliban na lamang kung nasa ibang bansa –lalo pa’t nakikita ng mga ito na puwede naman palang makalusot.
Ngunit para sa amin na mga mamamahayag, ang Executive Order (EO) 02 na mas kilala bilang Freedom of Information (FOI) na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 23, 2016 na tuluyan nang ipinatupad noong Nobyembre 25, 2016 ay isang mahalagang batas na hindi dapat mapasama doon sa mga nagiging pang-dekorasyon lamang.
Sa pamamagitan kasi ng FOI ay maaari nang humingi ang mga mamamayan ng mga dokumento hinggil sa pagsiserbisyo-publiko ng mga tauhan at opisyales sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan, upang malaman nila kung nagtatrabaho ng tama ang mga taong gobyerno na pinasusuweldo mula sa mga tax na kinokolekta sa kanila.
May hindi ako magandang karanasan sa paggamit ng FOI kaya tuloy naitanong ko sa aking sarili kung pangdekorasyon lang din ang executive order na ito -- hayaan ninyong ikuwento ko ito sa inyo.
Noong kainitan ng deliberasyon ng 2019 National Budget, kasabay ng mga matitinding exposé ni Senator Panfilo Lacson hinggil sa mga “insertion” at “institutional amendments”, naisip ko na magsulat ng serye sa aking kolum na ImbestigaDAVE hinggil dito.
Nagtanong ako sa ilang kakilala sa Senado kung paano makakukuha ng impormasyon at ilang dokumento, ang payo sa akin – gawing pormal ang pag-request at sulatan ang responsableng opisyal sa secretariat, na akin namang ginawa noong February 26, 2019.
Siyempre pa, idiniin ko sa aking sulat ang kahalagahan ng “transparency” sa mga transakyon sa gobyerno lalo pa’t hinggil ito sa “institutional amendments” na ginawa ng mga senador sa 2019 national budget.
Dumaan ang mga araw – walang nangyari, ni ha, ni ho sa opisyal na aking sinulatan. Sa madaling sabi tila binalewala ang aking request kahit na panay ang tawag at pagpa-follow-up ko hinggil dito.
Kahit sanay na ako sa ganito pakikitungo ng ilang opisyal sa ating gobyerno, medyo masama ang loob ko dahil malaki ang paniniwala ko sa bagong EO-02 (FOI) ni Pangulong Duterte at umasa na nanginginig pa na susundin ito ng mga nasa gobyerno – ‘yun ang malaking kamalian ko – ang umasa.
Nang magkita kami ni Apo Lakay, ang matalik kong kaibigan na si Rolando B. Gonzalo, ang pangulo ng National Press Club (NPC), naikuwento ko sa kanya ang aking naranasan sa paggamit ng FOI at sa tingin ko ay ikinabahala niya rin ito.
Pinagawa niya ako ng sulat hinggil sa nangyari at ang sabi niya ay aaksiyunan niya agad ito…Abangan
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.