IKALAWANG beses nang nahirang si Sylvia Sanchez bilang Best Actress para sa pelikulang Jesusa, sa katatapos na Subic Bay International Film Festival sa Subic nitong Linggo, Hunyo 23.
Nauna nang nanalo ang aktres sa kahalintulad na karangalan sa ginanap na 5th Sinag Maynila Film Festival na idinaos noong Abril.
Hindi nakadalo si Sylvia sa Subic Bay International Film Festival para personal na tanggapin ang tropeo kaya ang kaibigan niyang si Ynez Veneracion ang humalili sa kanya, na nanalo ring Best Suppporting Actress sa parehong pelikula.
Ang paliwanag ng aktres kung bakit hindi siya nakapunta, “Birthday dinner ni Gela ng buong pamilya Atayde at ako ang nagluto, nag-asikaso bilang nanay siyempre.”
Nagpapasalamat naman si Sylvia sa lahat ng mga taga-Subic na bumoto sa kanya bilang best actress para sa Jesusa.
Ginampanan ng aktres ang karakter ni Jesusa na idinirek ni Ronald Carballo. Kuwento ito ng isang nanay na naging adik dahil sa hirap ng buhay at sa tingin niya ay wala nang nagmamahal sa kanya dahil iniwan siya ng kanyang asawa.
Wala pang ideya si Ibyang kung kailan ipalalabas sa sinehan ang Jesusa pero sana nga ay mapanood ito ng lahat, lalo na ng mga anak para mamulat ang mga ito sa mga ginagawa at isinasakripisyo ng nanay nila para sa kanila.
Naka-tie ni Sylvia sa karangalan si Aiko Melendez sa karakter nitong guro sa pelikulang Tell Me Your Dreams na mula sa direksyon ni Anthony Hernandez.
Going back to Sylvia, masaya siyang naasikaso niya ang pamilya dahil hindi siya ngarag sa taping ng Project Kapalaran dahil hindi pa naman ito ipalalabas.
“Chill lang muna kami, kasi hindi pa naman ipalalabas pa,” saad ng aktres.
Ang pinaghahandaan ni Ibyang ay ang pagdating ng Oktubre dahil isang buwang lock out sila ng anak niyang si Arjo Atayde para sa pelikulang Whether the Weather is Fine (Kun Maupay Man It Panahon) na ididirek ni Carlo Francisco Manatad.
Ang nasabing proyekto ni Direk Carlo Manatad ay tumanggap ng financing support mula sa Aide aux cinémas du monde (France’s World Cinema Support) at Institut Français na nagkakahalaga ng 130,000 euro o mahigit sa walong milyong piso.
-REGGEE BONOAN