MAKARAAN ang halos sunud-sunod na pagpaparamdam ng ating mga sundalo at pulis hinggil sa pagpapataas ng kanilang suweldo na walang pag-aatubili namang tinugon ni Pangulong Duterte, sinundan naman ito ng gayon ding panawagan ng mga guro tungkol din sa salary hike; ang naturang paglalambing ng ating mga school teachers ay isinasaalang-alang naman ng Pangulo subalit ito ay hinahanapan ng pondo.
Ngayon, lumutang naman ang panawagan ng ating mga nurses na kasapi sa Philippine Nurses Association (PNA) hinggil din sa pagtataas ng kanilang sahod; kahilingan na pinaniniwalaan kong nakaangkla sa adhikain ng naturang mga professional workers na makatulong sa pagpapalawak ng mga serbisyong pangkalusugan. Ang ating mga nurses ang katuwang ng ating mga doktor at iba pang medical practitioners sa mistulang pagtiyak sa kaligtasan ng ating may sakit na mga kababayan.
Makatuwiran at laging napapanahon ang pagkakaloob ng dagdag na suweldo sa iba’t ibang sektor ng ating mga professional at labor force. Hindi maaaring maliitin, halimbawa, ang pakikipagsapalaran ng ating mga kawal at pulis sa pagpapanatili ng katahimikan sa mga komunidad; matagal nang napatunayan ang pagbubuwis ng buhay at dugo ng militar sa pagtatanggol ng ating kasarinlan. Ang ating mga pulis, hanggang ngayon ay walang humpay sa paglipol ng illegal drugs at krimen na salot sa ating lipunan. Maaaring totoo na ang ilan sa kanila ay pabigat sa mga tungkuling iniatang sa kanila subalit natitiyak ko na higit na nakararami sa kanila ang huwaran sa pagseserbisyo. Walang alinlangan na ito ang naging batayan ng Pangulo sa pagdoble ng kanilang sahod.
Hindi natin maipagwawalang-bahala ang pambihirang serbisyo ng ating mga guro, lalo na kung iisipin ang kanilang makabuluhang paggabay sa ating mga mag-aaral; sila ang itinuturing na pangalawang ina ng ating mga anak. Makatuturan din ang kanilang misyon sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon. Sapat nang dahilan ito upang dinggin ng Pangulo ang kanilang mga karaingan.
Lalong hindi natin maaaring maliitin ang epektibong medical services na ipinagkakaloob ng ating mga nurses. Maliit na ang kanilang suweldo, labis-labis pa ang oras na kanilang ipinaglilingkod sa mga ospital. Nais nilang maipatupad ang batas na nagtatadhana ng takdang sahod na ₱30,000 isang buwan.
Kapani-paniwala na ang guro at nurses -- at maaaring may iba pang grupo -- ang nangingimbulo o nananaghili sa sektor ng mga manggagawa na pinagkakalooban ng pay hike. Nais din naman nilang magkaroon ng mabuti-buting kabuhayan o greener pasture, wika nga, bilang mga professional workers.
Ang naturang mga paglalambing ay dapat lamang dinggin upang sila ay hindi na mangibang-bansa.
-Celo Lagmay