May 22, 2026

Home BALITA

Singil sa kuryente, makikipagsabayan sa mataas na presyo ng produktong petrolyo!

Singil sa kuryente, makikipagsabayan sa mataas na presyo ng produktong petrolyo!
Photo courtesy: MANILA BULLEITN file photo

Inaasahang mas mataas kaysa karaniwan ang magiging singil sa kuryente ngayong tag-init matapos ang pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East, ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC) noong Biyernes, Marso 20, 2026.

Ayon kay ERC Chairperson Francis Saturnino Juan, inaasahang tataas ang gastos sa pagpapadala ng langis, coal, at natural gas—mga pangunahing ginagamit sa mga power plant sa bansa—na magtutulak sa pagtaas ng presyo ng kuryente.

“Inaasahan natin na baka ngayong taong ito dahil sa nangyayaring giyera diyan sa Middle East, mas magiging mataas ang itataas [ng kuryente] nitong summer months,” ani Juan, sabay paalala na tumataas din ang singil sa kuryente kapag lumalaki ang demand.

Batay sa pagtaya ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines, na nangangasiwa sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), maaaring umabot sa ₱2 hanggang ₱4 kada kilowatt-hour ang itataas ng singil.

Sinabi ni Juan na posibleng maramdaman ang pagtaas ng singil simula Abril.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

“Kung halimbawa piso ang itataas per kWh, sa 200 kWh na makokonsumo mo, pumapatak na ₱200 ang itataas ng iyong bill. Maaaring may iba pang tumaas na component dahil may iba pang serbisyo na ginagamitan din ng generation tulad ng ancillaries, pero maliit na bahagi ‘yan at sa kabuuan asahan natin na magkakaroon ng pagtaas. Ang makokontrol natin ay yung konsumo natin,” paliwanag niya.

Dagdag pa niya, maaaring ipatupad ng mga distribution utility ang staggered o paunti-unting pagtaas ng singil kung magiging masyadong malaki ang dagdag-presyo.

Binigyang-diin din ni Juan na may posibilidad na pansamantalang masuspinde ang WESM sakaling magkaroon ng kakulangan sa suplay ng kuryente sa national grid sa panahon ng tag-init.

Ang WESM ay isang pamilihan kung saan ipinagbibili ng mga power generator ang kanilang sobrang kapasidad ng kuryente na hindi sakop ng kontrata, at dito rin bumibili ang mga consumer ng karagdagang suplay.

Samantala, hinikayat din ni Juan ang mga konsyumer na ikonsidera ang paglalagay ng solar panels sa kanilang mga bubong upang makatipid sa bayarin sa kuryente.

“Baka makadagdag pa sila sa supply para sa iba,” aniya.