NASA loob ng ospital si dating Mayor Ricardo “Ricky” Ramirez ng Medellin, Cebu City nang siya ay pagbabarilin at mapatay. Pinasok ng mga maskaradong armado ang ospital kung saan siya ay naka-hospital arrest sanhi ng pananakit ng dibdib at diabetes. Sakay sa apat na bihikulo ang mga salarin nang pumarada sa tapat ng ospital nitong Martes, pasado 11:00 ng gabi. “High value target” sa illegal drug trade ang dating alkalde, ayon sa awtoridad.
Ganito rin ang naging kapalaran ni Mayor Rolando Espinosa, Sr., ng Albuera, Leyte, nang patayin siya. Ang pagkakaiba lang ay nasa piitan si Espinosa at ang pumatay sa kanya ay mga pulis na walang maskara. Ang dahilan ng pagkakaiba ng mga pumaslang sa dalawa ay nang patayin si Espinosa ay bago pa lang pinaiiral ni Pangulong Duterte ang war on drugs.
Matapang niyang sinabi na inaako niya ang responsibilidad ng mga pulis na nakakapatay ng mga drug suspects. Kaya, sa kaso ni Espinosa, hindi na kailangang itago pa ng mga pulis ang kanilang sarili.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga sundalo sa Camp Manuel T. Yan sa Compostela Valley noong Disyembre ng nakaraang taon, inatasan niya ang mga sundalo na puksain ang Communist Party of the Philippines, kabilang ang kanyang legal fronts at infrastructure, at huwag intindihin ang mga human rights group na bumabatikos sa administrasyon.
“Huwag kayong maniwala ng human rights. I assume full responsibility,” wika ng Pangulo. Hindi bago ang pahayag na ito ng Pangulo, kaya lang, nauna niyang idineklarang aakuin niya ang responsibilidad sa paglulunsad ng digmaan laban sa droga.
Kaya kung gaano katapang ang mga pulis noon sa pagpatay sa mga sangkot sa droga, ganito rin katapang ang mga sundalo na pumapatay ng kanilang ipinagpalagay na mga komunista o nakikisimpatiya sa kanila. Noong Hunyo 15, ang dalawang staffers ng human rights group na Karapatan ay binaril at napatay ng mga sakay sa motorsiklo sa Sorsogon, Sorsogon, bandang 8:20 ng umaga. Sila ay sina Ryan Hubilla, senior high school student; at Nelly Bagasala.
Noong Hunyo 16, itinumba si Nonoy Palma sa labas ng bahay sa Barangay Halapitan, San Fernando, Bukidnon. Siya ay kasapi ng Kasama Bukidnon, na kaalyado ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Noong Hunyo 17, pinatay naman si Neptali Morada habang patungo sa kapitolyo kung saan siya ay nagtatrabaho sa San Isidro Village, Naga City, Camarines Sur, sa ganap na 8:00 ng umaga. Si Morada ay dating Bicol Regional head ng Bayan Muna.
Ang ganitong paraan ng pagmamantine ng kaayusan at kapayapaan ay hindi magdudulot ng pangmatagalang kapayapaan sa ating bansa. Wala na kasi ang moral ascendancy ng gobyerno. Ginaya na nito ang mga pangkaraniwang tao na umano’y lumalabag sa batas, pero hindi na batas ang ginagamit para pangingibabawin ang kanyang sarili sa kanila.
Kaya, maging ang mga nangangalaga sa kaligtasan ng Pangulo ay natatakot na rin para sa kanya. May mga okasyon na ayaw nilang pagsalitain ang Pangulo sa madla nang walang bullet-proof glass sa kanyang harapan bilang pananggalang.
-Ric Valmonte