Tatlong katao, na hinihinalang drug courier ng isang sindikato, ang arestado matapos na mahulihan umano ng P6.8-milyon halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Sta. Ana, Maynila,  ngayong Lunes ng madaling araw.

SHABU

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), kinilala ang mga suspek na sina Mark Anthony Alcantara, alyas “Maki”; Rudy Kidlat; at Rona Valenzuela, na pawang kakasuhan sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).

Naaresto ang mga suspek ng pinagsanib-puwersang MPD-Station 6 (Sta. Ana), Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-NCR, dakong 1:10 ng umaga, sa buy-bust operation sa Osmeña Highway.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nauna rito, nakatanggap ang mga pulis ng tip hinggil sa illegal na aktibidad ng mga suspek, at matapos ang isang buwang surveillance ay kaagad na nagkasa ng buy-bust operation laban sa mga ito.

Sakay umano ng kotse ang mga suspek nang magbenta sila ng ilegal na droga sa mga undercover cops.

Nang maisagawa ang transaksiyon ay kaagad nang inaresto ang mga suspek.

Bukod sa limang pakete ng shabu, na nasa kalahating kilo, at ipinagbili sa poseur buyer ng P500,000 o tig-P100,000 bawat pakete, nakakumpiska pa ang mga awtoridad ng limang pakete ng shabu na tig-100 gramo ang timbang mula sa sasakyan ng mga suspek, o kabuuang isang kilo, na may katumbas na street value na P6.8 milyon.

Nabawi rin umano sa mga suspek ang 10 bundle ng P1,000 bills na marked money, na katumbas ng P1 milyon, at pulang Suzuki car ng mga suspek.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na pawang courier umano ang mga suspek ng isang syndicated criminal gang, na konektado sa grupo ng mga Chinese national at Muslim na sangkot sa illegal drug trade, at kumikilos sa Metro Manila at Cavite.

Ayon kay NCRPO chief, Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, pawang naka-repack na ng tig-100 gramo ang mga shabu na narekober sa mga suspek, kaya hinala nila ay ipinapasa ng mga suspek ang ilegal na droga sa mga peddlers, na nagsu-supply naman nito sa street level pushers.

“Considering na ang pagre-repack nila ay by 100 grams, so ang pinagpapasahan nila nito, mga peddlers din na nagdi-distribute din sa iba pa na mga street level pushers natin dito," ani Eleazar.

Gayunman, iimbestigahan pa ng mga pulis kung saan kinukuha ng mga suspek ang ilegal na droga, at kung saan nila ito ibinabagsak.

-Mary Ann Santiago