Mahigit P1 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam sa pitong kataong dinakma habang nagsusugal sa isang kalye sa Makati City, nitong Martes.
Kinilala ni Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ang mga inaresto na sina Anthony Ordoñez y Baradia, alyas Tonet, 18, ng Block 132 Lot 7, Fortune Street, Barangay Rizal sa nasabing lungsod; Regie Maraño y Baradia, 51, ng Lot 65 Magnolia St., Bgy. Rizal, Makati City; Aries Vic Magarso; Jonathan Dionisio; Severino Fulgar; Keen William Santiago; at Quilben Jakiri Pacheco, pawang nasa hustong gulang.
Sa ulat, nagkasa ng operasyon ang mga tauhan ng Intelligence Section, sa pangunguna ni Cpt. Judge Rowe Donatona, na ikinaaresto ng mga suspek sa River Side Service road, malapit sa panulukan ng Magnolia St., Bgy. Rizal sa naturang lungsod, bandang 4:45 ng hapon.
Unang nakatanggap ng text message ang pulisya mula sa BINs kaugnay ng nagaganap na ilegal na sugal, na kinasasangkutan ni alyas Tonet at mga kasama nito sa lugar.
Hindi na nakapalag ang mga suspek nang arestuhin ng mga pulis at narekober kay Anthony, sa loob ng kanyang brown leather bag, ang dalawang plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu; isang maliit na selyadog pakete ng naturang droga; dalawang timbangan; dalawang P1,000 bill, 23 pirasong P100 bill, apat na P50 bill at pitong P20 bill.
Nasamsam naman kay Maraño ang isang pakete ng umano’y shabu; P380 na pusta sa sugal; at tatlong P1 coins.
Sa kabuuan, nasa 165 gramo ng shabu ang nasamsam, na nagkakahalaga ng P1,200,000, sa mga suspek.
Dinala ang mga suspek sa pulisya at kakasuhan sa paglabag sa Anti-Gambling Law (PD 1602) at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).
-Bella Gamotea