Kinumpirma ng PNP na binawi nito ang dalawang police security ni Erwin Tulfo—pero kaagad nilinaw na wala itong kinalaman sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng broadcaster laban sa pagmumura sa kalihim ng DSWD na isang dating mataas na opisyal na militar.

ERWIN

“Based on standard protocols, the two PNP security personnel assigned to Erwin Tulfo will undergo the regular inspection, interview and debriefing this week following an assigned schedule among all PSPG [Police Security and Protection Group] personnel,” sinabi ngayong Linggo ni PNP Spokesperson Col. Bernard Banac.

Bukod kay Erwin, babawiin din ang police security ng kanyang mga kapatid na sina Ramon—na kasalukuyang Presidential special envoy to China—Raffy, at Ben, para sumailalim sa kaparehong proseso.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“All authorization of Tulfo siblings will undergo same review process as ordered by [Department of Interior and Local Government] Secretary [Eduardo] Año,” ani Banac.

Kaagad namang nilinaw ni Banac na ang pagbawi sa police security ni Erwin ay walang kaugnayan sa mga kontrobersiyal na pahayag nito laban kay Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista.

“No connection, but partly na highlight lang din dahil naka-schedule to report ‘yung security detail niya this week to PSPG for their regular inspection and review,” ani Banac.

Matatandaang nitong Mayo 27, pinagmumura ni Erwin si Bautista, retiradong heneral at dating commander ng Philippine Army (PA), sa kanyang programa sa radyo.

Napaulat na tinawag ni Erwin si Bautista na “buang” nang tumanggi ang kalihim na pagpa-interview sa broadcaster, dahil kailangan daw ng formal request limang araw bago makapanayam si Bautista.

“Sino ba itong buang na ito? Pasensya na, maski tao ka ni Pangulong Duterte, lelektyuran kita,” sabi ni Erwin.

Bukod dito, napaulat na tinawag din umano ni Erwin si Bautista na “demon” at nagbanta pang sasampalin ang opisyal at ida-dunk ang ulo nito sa inodoro sakaling magkasalubong sila.

Makalipas ang ilang araw, nagsagawa ng public apology si Erwin kay Bautista, makaraang ulanin siya ng batikos, partikular mula sa mga aktibo at dating sundalo, kabilang ang mga dating kasamahan ng heneral, gaya ni Senator-elect Ronald dela Rosa.

“Kung sino man ang gustong mambastos at manakit sa napakabait at napakamaginoong upperclassman ko na ito, dumaan muna kayo sa akin para makita niyo ang brotherhood ng PMAyers,” saad sa Facebook post ni Dela Rosa.

Kasabay nito, isang online petition sa Change.org, sa inisyatiba ng mga Army Scout Rangers, ang isinulong para humingi ng paumanhin si Erwin kay Bautista, at kasalukuyan na itong nakakalap ng 7,100 pirma.

“I apologize for the excessive rants. It's uncalled for. But to criticize Secretary Bautista, I think I have a right as a journalist and I will not take it back. It is not in our vocabulary to take back our commentaries and it is not [in] our options,” sabi ni Erwin.

-Martin A. Sadongdong