Kumpiyansa si Pasig City Mayor-elect Vico Sotto na mapapahiya lang si incumbent Pasig City Mayor Bobby Eusebio kapag itinuloy nito ang planong election protest laban sa kanya.
Ito ang naging reaksiyon ni Sotto sa akusasyon ni Eusebio na minanipula ng kampo ng bagong alkalde ang eleksiyon kaya nanalo ang konsehal, at nagbanta pa na maghahain ng kaso.
Ayon kay Sotto, nakakatawa ang pahayag ni Eusebio, dahil napaka-imposible, aniya, ng sinasabi ng outgoing mayor, lalo na at 27-anyos nang nakapuwesto sa Pasig ang pamilya nito, at ito rin ang may hawak ng mga ballot boxes.
“If it's true and if he does push through that, medyo nakakatawa naman. Sila ‘yung incumbent, hawak nila ang ballot boxes,” sinabi ni Sotto nang kapanayamin sa telebisyon.
“If he does push through with it, siya naman po ang mapapahiya, hindi naman po kami,” dagdag pa ni Sotto.
Idinagdag pa ni Sotto na karapatan naman ni Eusebio na magreklamo ngunit kung siya, aniya, ang tatanungin ay mas makabubuti na tanggapin na lang nito ang pagkatalo at sama-sama silang mag-move forward na lang.
Tiniyak din ng bagong alkalde na handa siyang makipagtulungan sa mga Eusebio para sa smooth transition ng pamahalaang lungsod.
Sa kabilang dako, siniguro rin ng tinaguriang millennial mayor na hindi niya tatanggalin sa trabaho ang mga empleyado ng city hall na sumama sa protesta laban sa kanya, kahit pa loyal ang mga ito sa mga Eusebio.
Aniya, hindi naman kailangang maging loyal sa kanya ang mga ito upang manatili sa kanilang trabaho, dahil ang kailangan lamang, aniya, ay maging tapat ang mga ito sa serbisyo sa mga Pasigueño.
-Mary Ann Santiago