Nanggulat ang mga resulta ng botohan sa San Juan City at Pasig City, makaraang mahalal nitong Lunes ang mga katunggali ng dalawang kilalang angkang pulitikal na ilang dekada nang namumuno sa dalawang siyudad.
“Tama na po ang 50 taon,” sabi ni San Juan City Mayor-elect Francis Zamora, makaraang maiproklama bilang susunod na alkalde ng siyudad, nitong Lunes ng gabi.
Gumawa ng kasaysayan ang 41-anyos na dating basketball player at dating bise alkalde ng siyudad matapos niyang tuldukan ang halos limang dekadang pamumuno ng mga Ejercito-Estrada sa San Juan, nang talunin niya si incumbent Vice Mayor Janella Ejercito Estrada, anak ni dating Senador Jinggoy Estrada.
Iprinoklama si Zamora ng City Board of Canvassers bago maghatinggabi ng Lunes, matapos na makakuha ng 35,060 boto, kontra sa 24,813 boto ni Estrada.
‘KASAYSAYAN’
“Kasaysayan po itong naganap ngayong araw sapagkat hindi na sila umabot sa 50 years nila. Natigil natin sila sa 49 years, at ako naman po ay nagpapasalamat sa lungsod ng San Juan na sila po ay nagtiwala sa akin, at sila po ay naniniwala sa ating ipinaglalaban, sa mga programa at plataporma natin,” sinabi ni Zamora nang kapanayamin sa telebisyon.
“Mula noong araw na ipinanganak ako, sila na po ang nakaupo hanggang ngayon, at nagdesisyon na po ang mga mamamayan ng lungsod ng San Juan na tama na po ang limang dekada,” dagdag niya.
Si Zamora ay anak ng matagal nang mambabatas ng San Juan na si Ronaldo “Ronnie” Zamora, na muling naluklok sa puwesto laban sa mahigpit niyang katunggali na si Edu Manzano.
Papalitan ni Zamora si outgoing Mayor Guia Gomez, na dating partner ni Manila Mayor Joseph Estrada at ina ni incumbent Senator JV Ejercito.
Taong 1969 nang pamunuan ng mga Estrada ang San Juan nang mahalal na mayor ang noon ay artista pang si Mayor Erap.
MILLENIAL MAYOR
Sa Pasig, landslide ang pagkapanalo ni Councilor Vico Sotto, at tinuldukan ang 27-taong pamumuno ng mga Eusebio sa lungsod.
Nabibilang din sa angkan ng mga pulitiko, ang 29-anyos na si Sotto, na tinagurian ngayong “millenial mayor”, ay anak ng TV host-comedian na si Vic Sotto at ng aktres na si Connie Reyes.
Ngayong Martes, iprinoklama si Sotto ng City Board of Canvassers bilang susunod na alkalde ng Pasig matapos na makakuha ng 205,380 boto, laban sa 119,222 ni incumbent Mayor Bobby Eusebio.
Unopposed naman si incumbent Vice Mayor Iyo Carucho Bernardo, habang tinalo ni dating Pasig Rep. Roman Romulo sa botong 220,895 si incumbent Rep. Ricky Eusebio, na kapatid ng mayor, sa nakuhang 96,604 votes.
DARK HORSE
Samantala, ginulat din ng retiradong police general na si Benjamin Magalong ang political arena ng Baguio City nang talunin niya ang mga beteranong pulitiko sa siyudad nang mahalal siyang mayor.
Kilala ng publiko sa pagsuway sa nakaraang administrasyon nang imbestigahan niya ang Mamasapano tragedy noong 2015, nakakuha si Magalong ng 41,207 boto kumpara sa 22,609 ni incumbent Vice Mayor Edison Bilog; 17,250 ni Councilor Edgar Avila; 13,483 ni dating City Councilor Jose Molintas; at 12,530 ni Councilor Leandro Yangot.
Una nang ikinonsiderang “dark horse” si Magalong sa mayoralty race laban sa walo pang kandidato na pawang namayagpag sa Baguio political arena sa nakalipas na isa hanggang dalawang dekada.
Sa congressional race, tinalo ni Rep. Marquez Go (58,409) ang political “godfather” ng Baguio na si incumbent Mayor Mauricio Domogan (30,129)—ang unang pagkatalo ng alkalde sa nakalipas na 30 taon.
-Mary Ann Santiago at Freddie G. Lazaro