ISANG malaking kabalintunaan na sa kabila ng katakut-takot na power plant at electric cooperatives, lagi tayong ginigiyagis ng katakut-takot ding rotational brownouts. Dahilan ito ng paglutang ng mga sapantaha na ang naturang mga power service providers ay nagsasabwatan sa mistulang pagpapadilim ng mga komunidad at sa pagdurusa ng taumbayan.
Tulad ng laging ipinahihiwatig ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang walang humpay na brownouts ay bunsod ng pagnipis ng power supply mula sa naturang mga planta ng elektrisidad na umano’y magkakasabay na nagkaroon ng power outage. Ibig sabihin, hindi gumagana ang mga planta sa pagpapadaloy ng kuryente.
Nangangahulugan din kaya na nagkaroon ng sabwatan ang mga planta upang ang NGCP ay mapilitang magpalabas ng ‘red and yellow alerts’?
Sa sinasabing pagnipis ng power supply, isinulong ng ilang power service provider na dagdagan ang mga planta upang matiyak ang sapat na elektrisidad. Hindi ba ito mangangahulugan ng pagdami ng magsasabwatan sa nakapanggagalaiting rotational brownouts?
Naniniwala ako na sa gayong situwasyon nakaangkla ang kahilingan ng isang mambabatas na repasuhin ang mga kontrata o prangkisa ng kasalukuyang mga power service providers. Sa gayun, matitiyak kung sila ay tumatalima sa matinong pagseserbisyo sa power consumers. Kaakibat ito ng kanyang kahilingan tungkol sa masusing pagsusuri sa aplikasyon ng mga power plant na binubusisi sa Energy Regulatory Commission (ERC). Sinasabi na ang naturang mga planta ay pag-aari ng mga oligarko na sila ring may-ari ng kasalukuyang mga power plant.
Dahil sa patuloy na pagnipis ng power supply, minsan pang sumagi sa aking utak ang paulit-ulit nating paghikayat sa administrasyon na isaalang-alang ang pagpapaandar sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na maraming dekada nang nakatengga sa Morong, Bataan. Lumitaw na sa mga pagsusuri na ang naturang planta ay maaari pang paganahin upang mapagkunan sana ng 620 megawatt. Katunayan, isang mambabatas ang nanindigan na ang BNPP ay sintibay ng iba pang nuclear plant sa iba’t ibang panig ng daigdig, tulad ng matatagpuan sa Korea.
Nakalulungkot nga lamang na ang pagpapaandar ng BNPP ay mahigpit na tinututulan ng ilang sektor sa matuwid na ito ay nagpapagunita sa umano’y malagim na pagpapairal ng martial law—isang kabanata sa ating kasaysayan na naging saksi sa pagpapatayo ng naturang planta. Gayunman, nasa kamay ng administrasyon ang pagtimbang sa nasabing isyu.
-Celo Lagmay