WALONG buwan na lamang ang nalalabi para sa hosting ng 30th Southeast Asian Games kung kaya’t puspusan na ang paghahanda para masiguro ang tagumpay ng atletang Pinoy.
Isa sa mga pinagtutuunan ng pansin ngayon ay pagtatapos ng mga venues at sports center sa New Clark City, Pampanga at sa kalapit na Subic.
Sinabi ni Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) chairman Alan Peter Cayetano na halos 80% na ang natatapos sa pagsasagawa ng nasabing venue at nakatakda itong makumpleto sa darating na Agosto 31.
“New Clark City is now 80% completed. So talagang, sigurado na matatapos ito ahead of schedule,” pahayag ni Cayetano.
Sinusugan ito ng Bases Convention and Development Authority (BCDA) na siyang namamahala sa pagsasagawa ng nasabing venue, kung saan ayon sa kanila, matatapos ang konstruksyon dalawang buwan bago ang SEA Games.
Kabuuang 20,000 seaters ang isinasagawang athletics stadium, habang 2,000 seaters naman ang aquatic center, kasama din ang athlete village at ang riverpark development na may kasamang bikeways at jogging paths.
Bukod sa ipinapatayong New Clark City kabilang din sa magiging venue ang Philippine Arena sa Bulacan, kung saan gaganapin ang opening ceremony. habang sa New clark City naman ang closing ceremony.
Todo ayuda naman ang Philippine Sports Commission (PSC) sa paghahanda para sa nasabing 11-nation meet, kaya naman naniniwala si PSC chairman William Ramirez na magiging isang matagumpay na hosting ang nasabing event.
“Just like what our theme is saying, “We win as one”, so let’s win as one, kaya natin ‘to,” pahayag ni Ramirez.
-Annie Abad