“KAILANGANG mag-imbestiga tayo kung totoo ang mga banta. Baka gawa-gawa lamang ang mga ito. Baka nagbibiro lamang ang mga nagbanta na sasaktan ang bishop,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Reaksiyon ito ng Malacañang sa inihayag ni Bishop Pablo Virgilio David na tumanggap siya ng mga pagbabanta sa kanyang buhay. Dahil dito, hindi na siya dumalo sa seremonya sa De La Salle University kung saan isa siya sa ginawaran ng Ka Pepe Diokno Human Rights Award, bagamat nauna na siyang nangako na dadalo siya.
Kinilala ng foundation ang kanyang matibay na paninindigan para sa dignidad ng tao at karapatan ng lahat, lalo na ang mga dukha. Bakit hindi mababahala ang bishop hinggil sa kanyang kaligtasan, eh mismong kay Pangulong Duterte nagbuhat ang banta?
Noong nakaraang Nobyembre, sinabi ng Pangulo sa groundbreaking ng water supply project sa Davao City: “David, nagsisimula na akong magsuspetsa sa iyo kung bakit lumalabas ka ng gabi. Baka nasa droga ka na.” Sa kanyang talumpati ring ito, bagamat hindi niya pinangalanan, nagbanta siya na puputulan ng ulo ang bishop kapag nalaman niyang bumibili ito ng droga.
Sa kanyang talumpati sa Malacañang noong nakaraang Disyembre, sinabi ng Pangulo: “Iyong inyong mga bishop, patayin ninyo sila. Iyong mga stupid na tao at walang silbi dahil wala silang ginawa kundi batikusin ako sa aking war on drugs.”
Nitong nakaraang Enero, sa groundbreaking ceremony para sa pampublikong paaralan sa Bulacan, winika ni Duterte: “Hoy, kayong mga tambay diyan, kapag may bishop na nagdaan sa tabi ninyo, nakawan ninyo. Marami siya pera – the son of a b*tch. Patayin ninyo siya.”
Pero, nitong Martes ng gabi, sinabi ng Pangulo sa League of Municipalities of the Philippines na huwag maniwala na ipapatay niya ang mga bishop. Ayon sa kanya, nauna ang Simbahan na atakehin siya at siya ay gumanti lang nang sabihin niya sa mga drug addict na bugbugin ang mga bishop at kunin ang kanilang pera. “Walang oras sa aking buhay na kahit man lang ipahiwatig ko ang manakit – ang munting pananakit na gagawin ko sa mga pari at relihiyosong tao,” dagdag pa niya.
Mahirap kasing panaligan ang sinabing ito ng Pangulo pagkatapos niyang magbanta at isangkot ang bishop sa droga. Mahirap ding tanggapin at paniwalaan iyong sinabi ni Spokesperson Panelo na gawa-gawa lamang ang mga bantang natanggap ng bishop sa kanyang buhay. Baka ipagwalang bahala ng bishop ang pagbabanta sa kanya ay magaya siya sa mga dukhang sangkot sa droga na itinumba dahil umano nanlaban sa pagpapairal ng mga awtoridad sa war on drugs ng Pangulo.
Tingnan ninyo ang nangyari sa mga kagaya ni Bishop David na naunang tumindig at humarang sa padalus-dalos na pagpapatupad sa war on drugs ng Pangulo at bumatikos sa mga extra-judicial killing. Naunang biktima ay si Sen. Leila De Lima na hindi lamang sinipa sa kanyang pagka-chairperson ng Senate Committee on Justice ng mga kaalyado ng Pangulo sa Senado. Kinasuhan pa siya ng drug trafficking at batay sa testimonya ng mga convicted prisoners, iniakyat ang kaso sa korte na siyang sanhi ng kanyang pagkapilit hanggang ngayon.
Si dating Chief Justice Lourdes Sereno na ang kasalanan lamang ay bigyan ng proteksiyon ang mga hukom na nasa listahan ng Pangulo na umano ay sangkot sa droga. Hinarang ni Sereno ang atas ng Pangulo na mag-report sila sa Camp Crame upang linisin ang kanilang pangalan. Pinagbilinan ni Sereno ang mga hukom na igiit ang kanilang karapatan sa due process at huwag sasama sa mga awtoridad na kukuha sa kanila kapag walang warrant of arrest. Hindi idinaan sa tumpak at legal na prosesong impeachment ang pagtanggal kay Sereno sa puwesto kundi sa paraang quo warranto na naimbento ng Pangulo at kanyang mga kaalyado.
Mula Disyembre 2017, tatlong Katolikong pari ang pinatay sa mga magkahiwalay na insidente. Maaaring gawa-gawa lamang ang banta kay Bishop David at ang layunin ay takutin lamang siya, pero hindi niya ito alam. Ang alam niya ay pinagbantaan siya mismo ng Pangulo at bago ito mangyari, nagkatotoo ang mga unang banta nito lalo na sa umano ay mga sangkot sa droga.
-Ric Valmonte