SOBRA ang pasasalamat ni Lassy Marquez kay Ogie Diaz dahil ginawa siyang bida sa pelikulang Two Love You, kasama sina Kid Yambao at Yen Santos, sa direksiyon ni Benedict Mique.

Kit, Yen, Lassy at Ogie

Produced ang pelikula ng Ogie D Productions, Inc., at line-produced ng Lone Wolf Productions, Inc.

Kilala si Lassy, dahil sa lahat ng pelikula ni Vice Ganda ay kasama sila ni MC Calaquian bilang suporta. Pero hindi niya itinatanggi na nangangarap din siyempre siya na maging bida someday.

'Sarap sa pakiramdam!' Kiray mahal na mahal, never niloko ng jowa

Sa mediacon pagkatapos ng storycon ng Two Love You, nabanggit ni Ogie na matagal na silang nag-uusap nina MC at Lassy na gusto nilang gumawa ng pelikulang sila mismo ang bida, at nag-iisip sila ng magandang kuwento.

“Para naman mag-level up sila sa pagiging suporta,” banggit ni Ogie.

Sumakto naman na nakabuo ng kuwento si Ogie at pinlano niyang siya mismo ang magdirek ng pelikula, dahil isa rin sa nasa bucket list ng talent manager/actor/TV-radio host na maging direktor. Pero sa rami ng trabaho niya ay hindi na niya ito magagawa, kaya ang kaibigan niyang si Direk Benedict ang kinuha niya para idirek ang pelikula.

Naikuwento na sa amin ni Ogie ang Two Love You, at nangyayari ito sa totoong buhay kaya naman tiyak na maraming makaka-relate.

Anyway, sa mediacon ay natanong si Lassy kung nagawa na niyang magmahal nang sabay. Siyempre, sa lalaki, dahil aminado namang bakla ang komedyante.

“Wala pa naman akong ganu’ng experience. Pero magkasunod, meron. Ang ganda ko, eh!” pag-amin ni Lassy.

“Kapag nararamdaman mo na malabo na ‘yung relasyon, hiwalay na agad. Tapos move on na, tapos hanap ka na agad ng panibago, ‘di ba? Ganu’n lang ‘yun. Siyempre, buhay ng bakla, ‘di ba gusto natin laging masaya sa relasyon,” aniya pa.

Inamin din ni Lassy na may mga babaeng nagkagusto sa kanya in the past, pero hindi niya talagang magawang makipagrelasyon sa mga ito.

“’Yung isa, nu’ng nag-aaral pa ako sa kolehiyo. Tapos ‘yung isa, ‘yung sa Punchline (comedy bar), lagi siyang nandu’n gabi-gabi. Taga-Laguna pa siya, talagang lumuluwas siya para lang panoorin ‘yung show ko.”

Kinilig ba siya na may babaeng nagkakagusto sa kanya?

“Nandidiri ako! Ayoko ng sugat, kasi peklat ‘yun, eh. ‘Yung offer ko sa kanya, as in, malalim na pagkakaibigan lang. Naawa ako sa kanya kasi bakit siya lumuluwas lagi tapos uuwi nang madaling araw? So, hinahatid ko na lang sa sakayan lagi.

“Tapos nu’ng birthday ko, gumawa siya ng video, na gumastos pa ng kinse mil para sa AVP (audio visual presentation), para lang i-surprise ako. Sabi ko, ‘grabe ‘tong babaeng ‘to sa mga ginagawa sa akin!’

“Tapos hindi ko namamalayan hawak ko ‘yung kamay niya sa mga premiere night. Halimbawa, tumatakbo ako, kinikilig na pala siya. Sabi ko, ‘ano ba ‘to, magkaibigan lang tayo. Kahit maghubad ka pa sa harap ko, walang mangyayari’.At dahil may leading lady siya sa Two Love You, posible bang mag-iba ng pananaw si Lassy?“Hindi naman, ayaw ko namang gawing praktisin ‘yun. Ano ‘yun praktisin ko, kasi sakto sa akin ang role?”

At maski bali-baliktarin ay hindi raw maisip ni Lassy na mai-in love siya sa babae.

“Bakla talaga ako, eh,” aniya.

Pero humirit si Yen: “Huwag kang magsalita nang tapos, hindi pa tayo nagsu-shoot. Wala akong dyowa, baka naman.”

Nagkatawanan ang lahat.

Paano kung kasing ganda nga ni Yen ang magkagusto kay Lassy, tatanggihan ba niya ito?“Sino ba naman ako para tumanggi? Pero si Yen baka tumanggi,” ani Lassy.Anyway, base sa kuwento ni Ogie ay maraming nakakatawang eksena sa pelikula, at higit sa lahat ay may kurot sa puso, dahil sa mga sakripisyong ginawa ni Lassy para kay Yen.

Ang Two Love You ay isasali sa 3rd Pista ng Pelikulang Pilipino, at kung papalaring mapili ay sa Setyembre ito mapapanood nationwide.

-REGGEE BONOAN