Nilinaw ngayong Sabado ng Department of Education na gaya ng mga Grade 12 completers, may graduation din ang magsisipagtapos sa Grade 6 ngayong taon.

Secretary Leonor Briones (MB, file)

Secretary Leonor Briones (MB, file)

Ginawa ng DepEd ang paglilinaw sa inisyu nitong Memorandum No. 025, series of 2019, na pirmado ni Education Secretary Leonor Briones, at may titulong “Graduation ceremony for Grade 6 completers in School Year 2018-2019”.

“This memorandum clarifies that at the end of school year rites for Grade 6 completers this School Year 2018-2019 shall be a graduation ceremony, as stated in the attached DepEd Order No. 2, series of 2019, issued on February 18, 2019,” bahagi ng memorandum.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Paliwanag ng DepEd, “under discussion” o tinatalakay pa ng Executive Committee at hindi pa ipatutupad ang pagdaraos ng moving-up ceremony, sa halip na graduation, para sa Grade 6 completers.

Sakali umanong maaprubahan ito, tiniyak ng DepEd na kaagad nila itong ipaaalam sa kinauukulan.

“The moving-up ceremony instead of graduation for Grade 6 completers is under discussion by the Executive Committee. Should this be approved, DepEd assures all concerned that this will be announced with sufficient lead time,” anang DepEd.

Kaugnay nito, humingi ng paumanhin ang DepEd sa inconvenience at kalituhan na idinulot ng mga unang balita naglabasan hinggil sa kawalan ng graduation ceremony para sa Grade 6 completers.

Nauna rito, napaulat na sinabi umano ng DepEd na sa ilalim ng K to 12 program ng pamahalaan, tanging ang mga estudyante lang sa Grade 12 ang magkakaroon ng graduation ceremony, at moving-up ceremony lang ang idaraos para sa mga nakakumpleto ng Kindergarten, Grade 6, at Grade 10.

Ang 2019 ceremonies ngayong taon ay may temang “Pagkakaisa sa Pagkakaiba-iba: Kalidad na Edukasyon para sa Lahat”.

Inaatasan naman ng DepEd ang pamunuan ng mga pampublikong paaralan na idaos ang kanilang mga End-of-School-Year (EOSY) rites sa pagitan ng Abril 1 at Abril 5, 2019.

Mary Ann Santiago