Dalawang bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang naiulat na napatay at dalawa pa nilang kasamahan ang nasugatan nang makasagupa nila ang militar sa Patikul, Sulu, kahapon ng umaga.
Sinabi ni Joint Task Force Sulu commander, Brig. Gen. Divino Rey Pabayo, aabot sa walong bandido ang nakasagupa ng 41st Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army sa Sitio Tubig Amu, Barangay Tanum, Patikul, dakong 11:00 ng umaga.
Sa natanggap na impormasyon ng militar, dalawa sa mga ito ang nasawi sa labanan habang dalawa pa sa kanilang kasamahan naiulat na nasugatan.
“Troops are presently scouring the encounter site and will pursue the fleeing enemy,” paniniyak naman ni Pabayo.
Nagpakawala aniya ng mortar ang militar sa Luba Hill na pinaniniwalaang pinagtaguan ng mga bandido.
“Military troops are closing in on evading Abu Sayyaf militants and are gaining a foothold with the sustained conduct of tactical offensives and intelligence operations being launched in the hinterlands of Sulu,” pahayag naman ni Western Mindanao Command commander, Lt. Gen. Arnel Dela Vega.
-Francis T. Wakefield