SA pinakadesperadong paraan upang makahanap ng paraan na pipigil sa mabilis na pagtaas ng mga presyo sa merkado nitong nakaraang taon, nakahanap ang mga ekonomista ng pamahalaan ng isang paraan na mabilis na nakatulong. Nanawagan ito para sa agarang pag-aangkat ng nasa 250,000 metriko tonelada ng bigas mula sa Vietnam at Thailand upang mahila pababa ang mga presyo ng bigas sa ating mga pamilihan. Nagtagumpay ang hakbang, lalo’t bigas ang pangunahing produkto na pinaggugugulan ng mga Pilipinong mamimili. Ang ulat hinggil sa malawakang pag-angkat ng bigas ang nagpahupa sa mataas na presyo ng bigas at nagbigay daan sa pagbaba ng mga presyo ng bilihin sa kabuuan.
Ito rin ang dahilan para sa Rice Tarification Bill na nilagdaan ni Pangulong Duterte bilang isang batas nitong Biyernes. Bago ang pagpapatibay ng batas, ang dami o laki ng inaangkat na bigas ay mahigpit na kinokontrol upang maproktektahan ang mga Pilipinong magsasaka. Kinakailangan na magbayad ng 25 porsiyento kapag galing ito sa bansang kasapi ng ASEAN at 50 porsiyento para sa mga hindi miyembro.
Sa pamamagitan ng Rice Tarification Law, hindi na limitado ang dami ng maaaring angkatin. Ngunit dagdag na taripa ang ipinapataw—35% kung galing ito sa bansang kasapi ng ASEAN, 50% para sa hindi kasapi. Maaasahan na natin ngayon ang maraming supply ng mababang presyo ng angkat na bigas sa ating mga pamilihan.
Dapat na masolusyunan nito ang problema sa mataas na presyo—o inflation—na dinanas natin nitong nagdaang taon. Pinangangalagaan nito ang mga mamimili ng bansa. Ang malakihang pag-angkat ang magpapataas sa supply, na bilang kapalit naman ay mangangahulugan ng mas mababang presyo, sa ilalim ng batas ng supply at demand.
Ngunit problema naman ito para sa ating lokal na mga magsasaka na mahihirapang maibenta ang kanilang mga ani sa ating merkado dahil mas mahal ang mga ito kumpara sa inangkat na bigas. Hindi pa nagagawang mapababa ng mga magsasaka ang kanilang gastos sa pagtatanim, katulad ng sa kanilang mga kapwa magsasaka sa Vietnam at Thailand.
Ito ang dapat na maging sunod na proyekto ng administrasyong Duterte, sinabi ni Department of Budget and Management Secretary Benjamin Diokno, nitong nakaraang linggo. Agrikultura ang dapat na nasa sentro ng ating pambansang programang pagpapaunlad ngunit hindi nito nakakamit ang dapat nitong ambag sa pambansang pag-unlad. Noong 2018, nag-ambag ang sektor ng serbisyo ng 56.22% sa pambansang paglago; 34.5% sa industriya; at tanging 8.94% lamang mula sa agrikultura.
Ngunit sa ngayon, malugod nating tanggapin ang Rice Tariffication Law na nilagdaan ni Pangulong Duterte nitong nagdaang Biyernes. Maaari nitong masaktan ang ating mga magsasaka, ngunit dapat na masubok ang mga ito na magsumikap pa upang mapantayan nito ang kakayahan sa produksiyon ng kanilang mga kapwa magsasaka sa Vietnam at Thailand.
Dapat na mapigilan ng Rice Tariffication Law ang muling pagdanas natin sa ating naranasan noong nakaraang taon nang pumalo ang inflation sa pinakamataas nito sa loob ng sampung taon—mula 4.5% noong Mayo; 5.7% noong Hulyo; 6.4% noong Agosto; 6.7% noong Setyembre. Ngayon ay nasa 4.4% na ito. Panatilihin natin ang ganitong kalagayan.