KUNG shooting ang pag-uusapan, wala pa ring tatalo kay Allan Caidic.
Muling namalas ang husay ng tinaguriang ‘The Triggerman’ para pangunahan ang San Miguel Beer sa matikas na 96-83 panalo kontra Alaska sa ‘Return of the Rivals’ nitong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Naisalba ni Caidic ang malamyang simula sa naisalpak na magkasunod an three-pointer sa final period para makaluwag ang Beermen at tuluyang mailayo ang iskor tungo sa panalo sa fund-raising match.
Tumapos si Caidic na may 26 puntos mula sa 7-of-18 shooting, kabilang ang 6-of-14 sa three-point area at tanghaling Player of the Game.
Nag-ambag si Denok Miranda ng 17 puntos, habang kumabig si Danny Ildefonso ng 14 puntos at 14 rebounds para sa Beermen.
Bilang premyo, nakuha ng San Miguel Beer na gagamitin nila sa community program ang P100,000, habang naiuwi ni Caidic ang P25,000.
Sandigan ng Beermen noon 1993-1998, naisalpk ni Caidic ang tatlong three-pointer, kabilang ang buzzer-beater para tuldukan ang 16-4 run at mailayo ang Beermen mula sa 75-all.
Kumubra rin si Dondon Hontiveros ng 11 puntos, habang umiskor si Nic Belasco ng game-high 18 rebounds para sa San Miguel Beer.
Nanguna si Willie Miller sa Alaska na may 20 puntos, habang tumipa si Johnny Abarrientos ng 11 puntos at 10 rebounds.
Iskor:
San Miguel Beer (96) – Caidic 26, Miranda 17, Ildefonso 14, Hontiveros 11, Belasco 7, Alvarez 6, Racela 5, Agustin 4, Calaguio 3, Gamboa 2, Paras 1, Reyes 0, Asaytono 0, Teng 0, Abuda 0.
Alaska Milkmen (83) – Miller 20, Abarrientos 11, Santos 9, Dela Cruz 8, Cariaso 7, Laure 6, Duremdes 5, Juinio 5, Lastimosa 4, Ferriols 4, Gomez 2, Hawkins 2, Sotto 0, Adornado 0.
Quarters: 20-21; 32-40; 62-59; 96-83.