DALAWANG United States guided-missile destroyers—ang USS Spruance at ang USS Preble—ang naglayag sa South China Sea nitong Lunes, malapit sa isla ng Spratlys na malapit naman sa Palawan. Ang paglalayag na ito, katulad ng inasahan, ay agad na ipinrotesta ng China bilang isang “provocative action.”
Una rito, nitong Enero 7, isa pang barkong pandigma ng US, ang USS McCampbell, ang naglayag malapit sa Paracels, isa ring grupo ng mga isla na nasa South Cina Sea ngunit mas malayo sa hilaga, sa pagitan ng Vietnam at Luzon. Ito ang pinakabago lamang na insidente na kinasasangkutan ng mga barko at eroplano ng Amerika sa South China Sea. At maaasahang hindi ito ang huli.
Ang ugat ng sigalot na ito ay ang pang-aangkin ng China sa halos lahat ng bahagi ng South China Sea, na itinatakda ng isang nine-dash loop, bilang katubigang teritoryo nito kasama ng maraming isla sa loob ng linya. Tinanggihan naman ito ng Amerika, na ang mga barkong pandigma ay naglalayag sa buong mundo, sa pagsasabing ang South China Sea—katulad ng iba pang katubigan sa mundo—ay bukas sa lahat ng mga paglalayag sa ilalim ng prinsipyo ng “Freedom of Navigation.”
Ang pag-aangkin ng China ay kinokontra rin ng ilang mga bansa sa Southeast Asia, lalo na ang Pilipinas, Vietnam at Malaysia. Partikular na ikinababahala ng Pilipinas ang Scarborough Shoal, na kilala sa atin bilang Panatag o Bajo de Masinloc, na malinaw na pasok sa ating 200-mile Exclusive Economic Zone sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea. Ngunit nakapasok din ito sa nine-dash line ng China.
May pagkakaunawaan ang China at ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa kani-kanilang pag-aangkin. Maninindigan tayo sa ating ipinaglalaban, lalo na’t nasa likod natin ang UN Arbitral Court sa The Hague. Ngunit lahat tayo ay nagkasundo na magkaroon ng Code of Counduct upang gabayan tayo sa ating hakbang at mga desisyon nang hindi isinusuko ang ating legal na pag-aangkin.
Ito ang patuloy na tumutulong upang mapanatili ang kapayapaan sa pagitan ng China at Southeast Asian Nations, ngunit ang Amerika, ang natitirang superpower ng mundo, ay hindi natitinag sa prinsipyo ng “freedom of Navigation.” Nangako ito na magpapatuloy sa pagpapadala ng mga barkong pandigma at eroplano sa South China Sea, malapit sa kababawan na tinayuan ng China ng mga runway at garison.
Ang panganib ay isa sa mga araw na ito, ang isang malapit na engkuwentro ay maaaring humantong sa isang bakbakan, at lumala sa isang mas malaking digmaan na ikinatatakot nating lahat. Kaya naman umaasa ang Pilipinas at ang mga kapwa Asean member na makakamit ang isang kasunduan, marahil sa ilalim ng United Nations.
Patuloy natin masasaksihan ang paulit-ulit na paglalayag ng mga pandigmang barko ng Amerika, na susundan awtomatiko ng protesta ng China. Tiyak na sa modernong panahon sa kasalukuyan, dapat na maupo ang mga bansa at bumuo ng ilang kasunduan, lalo’t malinaw sa lahat na ang mga digmaan noong unang panahon ay hindi na posible sa ngayon na panahon ng nukleyar.