MAYAMAN ang Pilipinas sa ulan na ang pagbaha ay taunang suliranin. Kasunod ng pagbaha ang mga landslide, na dulot ng ilang araw na malakas na pagbuhos ng ulan na nagpapalambot ng lupa dahilan upang gumuho ang mga dalisdis ng bundok na tumatabon sa buong komunidad.
Ulan ang isa sa pinakamalaking natural na yaman ng ating bansa, kasama ng sikat ng araw, ang ating mga dagat at ilog, ang ating hangin, maging ang init mula sa ating mga bulkan, at siyempre ang ating yamang mineral mula sa mga bundok at mga kahoy na galing sa ating kagubatan.
Matagal na nating napagsamantalahan ang kapangyarihan ng ating mga ilog sa mga dam na lumilikha ng kuryente, ang init mula sa geothermal sa ilalim ng mga bulkan, ang ating hangin na nagpapaikot sa mga wind mills, at ang init ng araw na pinakikinabangan gamit ang solar panels.
Nakadepende tayo sa ulan para punuin ang ating mga dam tuwing panahon ng tag-ulan, upang maglaan ng tubig para sa ating mga magsasaka, sa ating mga planta ng kuryente, at sa pangangailangan ng mga industriya at kabahayan. Ngunit malaking bahagi ng ulan ang nasasayang sa pagbaha nito sa ating mga lungsod at sa mga mabababang lugar bago tuluyang dumaloy patungo sa dagat.
Isang panukalang-batas ang inihain sa Kongreso ni Rep. LRay Villafuerte, ng Camarines Sur, upang iutos sa mga komersyal, institusyonal at residential developers ang pagtatayo ng mga rainwater retention facilities sa kanilang mga susunod na proyekto. Makatutulong ito na mabawasan ang mga pagbaha ngunit ang mas mahalagang dulot nito ay magagamit muli ang napakaraming tubig na ngayon ay mabilis lamang na nasasayang.
Sa ilalim ng mungkahing batas, ang mga developer ng bagong proyekto sa Metro Manila at iba pang pangunahing lungsod na may lawak na hindi bababa sa 1,500 metro kuwadrado ay kinakailangang magtayo at panatilihin ang nasa tatlong porsiyento ng lugar bilang isang rainwater harvesting facility.
“Rainwater is a free, abundant, and a regular natural resource that the Philippines is fortunate to receive in and year out,” pahayag ni Congressman Villafuerte. “It is high time that we make use of it for the general advantage of our people.”
Ibinahagi niya na ang California sa Amerika ay may Rainwater Capture Act, kung saan itinatabi ang mga tubig-ulan upang matugunan ang malawakang tagtuyot na nararanasan ng estado tuwing dry season. Sa Australia, dagdag pa niya, karamihan ng mga gusali ay gumagamit ng naipong tubig-ulan para sa kanilang mga fountains at pang-flush sa mga inidoro.
Mayroon na tayong Renewable Resources Law, na ipinagtibay noong 2005, na humihikayat sa produksiyon at paggamit ng renewable energy, na naglalaan ng mga insentibo katulad ng pagbawas o kanselasyon ng ilang mga kailangang bayad sa gobyerno, at nag-uutos sa mga grid operators na bigyan sila ng access sa grid. Kaya naman maraming renewable power plants—wind, solar, biomass, at iba pa—ang itinatatag sa ating bansa.
Sa pamamagitan ng House Bill 8088, isasama natin ang tubig-ulan— isang malaking yaman sa bansa— sa mga maaaring pagkunan na yaman habang tumutulong upang mabawasan ang panganib na lumilitaw sa panahon ng tag-ulan.